Miyerkules, Nobyembre 30, 2011

Pangulong Andres Bonifacio


PANGULONG ANDRES BONIFACIO
ni Dr. Milagros Guerrero
Propesor, Departamento ng Kasaysayan, Unibersidad ng Pilipinas)

[Ang artikulong ito ay iniambag ni Dr. Guerrero sa Kamalaysayan at inilathala naman bilang isang bahagi ng aklat na Bonifacio: Siya ba ay Kilala Ko? ni Ed Aurelio C. Reyes. Nalathala rin ito sa magasing Tambuli, ika-5 isyu, Agosto 2006, na inilathala ng Katipunang DakiLahi, mula pahina 12-17.]

Panahon na upang iwasto ang mga maling pag-aakala at pagdiriwang kay Emilio Aguinaldo at sa Republika ng Malolos bilang unang pangulo at unang pamahalaan ng Pilipinas.

Batay sa orihinal at awtentikong mga dokumento ng himagsikan, si Bonifacio na siyang nagtatag ng Katipunan at nag-organisa ng rebolusyon ang siyang nanguna sa pagtatatag at pagsisimula ng unang pambansang pamahalaan noong 1896 at siyang unang pangulo ng Pilipinas, mula ika-24 ng Agosto 1896 hanggang ika-10 ng Mayo 1897. Nakalulungkot na ang katotohanang ang paglikha ng pamahalaan ng Katagalugan na kasabay halos ng Unang Sigaw ng Rebolusyon ay tandisang hindi binigyang-pansin ng halos lahat ng historyador ng Pilipinas.

Nang magpulong ang Katipunan sa bahay ni Melchora Aquino sa baryo ng Bahay Toro, Kalookan, noong ika-24 ng Agosto, 1896, ang pamunuan at mga tagasunod ay gumawa ng tatlong mahahalagang kapasyahan: (1) ang magdeklara ng isang sandatahang paghihimagsik laban sa Espanya; (2) ang magtatag ng isang pambansang pamahalaan at maghalal ng mga opisyal na mamumuno rito; at (3) magtatag ng sandatahang lakas.

Nailantad nang husto ang lihim na Katipunan at napilitang maging isang hayag na pamahalaang de facto, ayon sa istruktura nitong maihahalintulad sa isang burukrasya at may pamunuang inihalal. Pinatutunayan ito ng mga pananaliksik nina John M. Taylor, Gregorio F. Zaide at Teodoro A. Agoncillo.

Naging maliwanag ang kahulugan at istruktura ng Pamahalaan ng Katagalugan ni Bonifacio nang suriin ng ilang mag-aaral ang mga liham at mga dokumentong isinulat ni Andres Bonifacio na matagal rin namang iningatan ni Epifanio de los Santos, yumaong historyador at direktor ng Aklatan at Museo ng Pilipinas bago mag-Ikalawang Daigdigang Digmaan at ang kanyang anak na si Gng. Teresa Pangan. Magmula noong 1988, nang ang mga dokumentong ito ay napasakamay ng iba't ibang kolektor, nagkaroon ng pagkakataon ang mga mag-aaral ng kasaysayan na makita ang mga ebidensyang nabanggit.

Tatlong liham ni Bonifacio kay Emilio Jacinto at isang nombramyento kay Bonifacio - na isinulat sa pagitan ng ika-8 ng Marso at ika-24 ng Abril 1897 nang ang Supremo ay nasa Cavite na - ang nagpapatunay nang buong linaw na si Bonifacio nga ang unang Pangulo ng isang pambansang pamahalaan. Taglay ng mga liham na ito ang mga sumusunod na titulo, ranggo at katawagan ni Bonifacio: Pangulo ng Kataas-taasang Kapulungan; Ang Kataas-taasang Pangulo; Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan; Ang Pangulo ng Haring Bayan, maytayo ng K.K. Katipunan ng mga Anak ng Bayan at Unang Naggalaw ng Panghihimagsik.

Sinuri ng ilang historyador ang mga katawagang ito noong bago naganap ang Ikalawang Daigdigang Digmaan. Batay sa mga katunayang ito, kasama na ang plaka ng pangalan o nameplate sa sambalilo ni Bonifacio, kinilala ni Jose P. Bantug noong 1929 na ang ranggo ni Bonifacio sa pamahalaang mapanghimagsik ay 'Kataastaasang Pangulo' at 'Heneral Blg. 1.' Ganito rin ang kongklusyon at pagkilala nina Jose P. Santos, anak ni Epifanio de los Santos (1933) at ni Zaide (1939).

Ngunit nagkamali ng pagbasa ang mga historyador sa nabanggit na pariralang 'Ang Haring Bayan' na ipinagpalagay nilang 'Ang Hari ng Bayan' bilang patungkol kay Bonifacio, sa halip na sa bayan. Kung isasalin sa Inggles, ang pariralang 'Haring Bayan' ay nangangahulugang 'Sovereign Nation.' Ang pariralang ito ay matatagpuan sa Katitikan ng Kapulungan sa Tejeros noong ika-23 ng Marso 1897, sa nombramyento kay Emilio Jacinto na may petsang ika-15 ng Abril 1897, at isang pahayag ni Bonifacio (walang petsa) na may pamagat na 'Katipunan Mararahas ng mga Anak ng Bayan.'

Sapagkat hindi nila mapatunayan sa mga panahong iyon na may pamahalaan ngang itinatag si Bonifacio bago magpulong sa Tejeros, inakala ng mga historyador na iyon na nagtangka lamang si Bonifacio na magtayo ng isang pamahalaang hiwalay kay Aguinaldo pagkatapos ng asambleya sa Tejeros, at lumalabas na nagkasala pa ng pagtataksil sa bayan si Bonifacio.

Sa kontemporaryong mga lathalain noon ay makukuha ang mga katunayan tungkol sa posisyon ni Bonifacio sa pamahalaang naghihimagsik. Halimbawa, sa sipi ng La Illustracion Española y Americana na may petsang ika-8 ng Pebrero 1897 ay makikita ang isang grabadong larawan ni Bonifacio na nakasuot ng itim na amerikana at puting kurbata na may kapsyon na 'ANDRES BONIFACIO. TITULADO (PRESIDENTE) DE LA REPUBLICA TAGALA'. Binabanggit ng koresponsal o reporter na si G. Reparaz na si Bonifacio ang pinuno ng pamahalaang katutubo.

Ayon kay Reparaz, ang mga pangunahing opisyal ng pamahalaan ni Bonifacio ay ang mga sumusunod: Teodoro Plata, Kalihim Pandigma; Emilio Jacinto, Kalihim ng Estado; Aguedo del Rosario, Kalihim ng Kagawarang Panloob; Briccio Pantas, Kalihim ng Katarungan; at Enrique Pacheco, Kalihim ng Kabuhayan. Samantala, si Aguinaldo ay inilalarawan lamang bilang isang "Generalissimo."

Ang pagkakatatag ng pamahalaang naghihimagsik nang mga huling araw ng Agosto 1896 ay inilarawan ni Pio Valenzuela, na hindi nadakip kundi kusang sumuko sa mga maykapangyarihan noong ika-2 ng Setyembre at marami ang isiniwalat. Ang ulat nito ay sinang-ayunan naman ng historyador na si Emilio Reverter Delmas na ibinatay ang kanyang dalawang tomong aklat sa mga ulat na isinumite ng mga koresponsal na nasa field, alalaong-baga, sa mga kapanahong pahayagan na akin namang sinangguni sa Madrid.

Ayon kay Reverter Delmas, ang pagkakadakip kay Aguedo del Rosario, na siyang Kalihim ng Kagawarang Panloob, noong ika-16 ng Setyembre, 1896, ay lubhang napakahalaga (una importantissima captura) sapagkat isa siya sa mga naatasang lumikha ng Pamahalaang Naghihimagsik ng Pilipinas at siyang pinagkatiwalaan ng Katipunan upang gampanan ang tungkulin ng pamamahala o gobernacion).

Ngunit nang madakip nga si Del Rosario, ayon sa historyador, sa halip na posisyong ministeryal ang kanyang maaaring makaharap ay ang kanyang sariling ataul, kung kaya't katulad ni Valenzuela ay nagpasya din ito na isiwalat ang mga plano at proyekto ng kanyang mga kasama sa Katipunan.

Mula sa Bahay Toro ay inilipat ni Bonifacio ang sentro ng Pamahalaang Katagalugan sa Balara noong ika-30 ng Agosto, 1896. Kung babasahin natin ang mga karaniwang pagsusuri ng mga pangyayari sa pagitan ng katapusan ng Agosto at mga unang araw ng Nobyembre, 1896, ay para bang kagyat na napalipat na lamang ang himagsikan sa Cavite. Mapapansin na ang mga manunulat na ito ay hindi man lamang kumonsulta sa mga pahayagan sa Maynila o di kaya'y sa mga pahayagan sa Madrid na kapupulutan ng kaalaman tungkol sa mga pangyayari sa iba't ibang bahagi ng Luzon sa panahong iyon.

Mula sa Balara ay tumungo si Bonifacio sa Cavite, kung saan siya nanatili nang halos anim na buwan, mula nang mga unang araw ng Nobyembre, 1896, hanggang sa siya'y patayin ng mga tauhan ni Emilio Aguinaldo noong unang hati ng Mayo, 1897.

Sa Cavite makikita ang mga ebidensyang nagpapatunay na nang dumating siya sa lalawigang ito, si Bonifacio ang nangungunang pinuno at pangulo ng isang pamahalaang naghihimagsik na sa huli'y binuwag ng mga pwersa ni Emilio Aguinaldo upang ito (si Aguinaldo) ay maluklok sa kapangyarihan.

Maaalala na nang sumiklab ang himagsikan sa Cavite ay may tatlong Sangguniang Bayan dito: (1) ang Magdiwang na nakabase sa Noveleta; (2) ang Magdalo na nasa Kawit; at (3) ang Mapagtiis na nasa San Francisco de Malabon. Sa bandang huli'y naging dalawa lamang ito. Sa pagdating ni Bonifacio sa lalawigan, malugod at maginoo ang pagsalubong at pakikitungo sa kanya ng mga pinuno ng mga kampo na, sa kalasingan sa mabuway na tagumpay laban sa mga Kastila'y nagsimula nang magkanya-kanya at maglaban-laban.

Mayroong katunayan na may isang pamahalaang umuugit na higit na mataas sa mga sangguniang bayan, maging pamahalaang panlalawigan, at ang higit na mataas na pamahalaang ito ay pinamumunuan ni Bonifacio. Ang katunayang ito ay ang isyu ng konstitusyong inialok ni Edilberto Evangelista kay Bonifacio. Mapilit ang kampo ng mga Magdalo na tanggapin ni Bonifacio ang konstitusyong iyon upang ipalit at ipambasura sa mga alituntuning sinusunod ng Pamahalaang Katagalugan. Ang pagtanggi ni Bonifacio rito ay naging isang mainit na titis upang magsiklab ang pagkainis ng mga Magdalo sa Supremo ng Katipunan. Noong Disyembre, 1896, ay may nakahanda nang borador ng isang konstitusyon ng mga Magdalo nang maging panauhin ni Bonifacio sa kanyang tahanan sa San Francisco de Malabon si Evangelista.

Ayon kay Artemio Ricarte at Santiago Alvarez, naghandog si Evangelista ng isang saligang-batas na nais niyang gamitin ni Bonifacio para sa pamahalaang naghihimagsik. Ito ay isang patunay, matagal pa bago magsimula ang kontrobersyal na asambleya sa Tejeros, na siya ay kinikilala bilang pinuno ng isang pamahalaang naghihimagsik. At ang pagkilala, bagamat hindi direstahan at pasalita lamang, ay nanggaling pa sa isang kinikilalang kasapi ng makapangyarihang uri sa Cavite. Si Evangelista ay isang inhinyerong sibil na nagtapos pa sa Belgium at isang tinyente-heneral sa sandatahang lakas ni Aguinaldo. Siya ang responsable sa konstruksyon ng mga trensera sa Bacoor, Binakayan at Kawit.

Ang sigalot sa Tejeros, na paksa ng maraming mga aklat, ay isa lamang patunay na kinailangan ng mga Magdalo ang isang halalan upang mapalitan ang isang lehitimong pamahalaang pinamumunuan ni Bonifacio. Sa isang bagong pagtingin, kinailangan din na mawala sa landas ang supremo ng Katipunan (sa isang aksyong tahasang matatawag na isang kudeta) sa pamamagitan ng isang kunwa-kunwariang paglilitis, at sa bandang huli, sa pagpatay sa kanya, upang mapalitan ang kanyang pamahalaan ng pamahalaan ni Aguinaldo.

Miyerkules, Mayo 11, 2011

Simbolikong Paglilibing kay Bonifacio, Kweba ng Pamitinan, Mayo 10, 1997


Ang Simbolikong Paglilibing kay Gat Andres Bonifacio 
sa Kweba ng Pamitinan sa Wawa, Montalban, Rizal, Mayo 10, 1997
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Saksi ako sa simbolikong paglilibing kay Gat Andres Bonifacio sa kweba ng Pamitinan sa Wawa, Montalban, Rizal, noong Mayo 10, 1997, isandaang taong anibersaryo ng kanyang pagkapaslang sa kamay ng kapwa kababayan. Staff pa ako ng Sanlakas noon nang mapasama ako rito't naging kasapi ng history group na Kamalaysayan (Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan). Ang simbolikong paglilibing ay pinangunahan ng grupong Kamalaysayan, na pinamagatan nilang Sentenaryo Bonifacio '97: The People's Symbolic Funeral of Andres Bonifacio. 

Dumalo dito ang mga apo ni Bonifacio, kabilang si Gary Bonifacio (na hindi pa abogado noon), mga taga-akademya, kabataan, environmentalist, mga kasapi ng grupong Sanlakas, at marami pang iba. Ipinasok sa loob ng kweba ang isang urna bilang simbolo ng paglilibing kay Bonifacio, at nagkaroon ng maikling programa, kung saan binigkas namin ang Kartilya ng Katipunan. Ayon sa alamat, dito sa Kweba ng Pamitinan ikinulong ng nag-uumpugang bato si Bernardo Carpio, isang bayani ng bayan na ang lakas ay tulad ng kay Samson ni Delilah. Ang kweba ng Pamitinan ang tinuturing na "Temple of Katipunan Spirit". 

Noong 1895, dito sa kweba ng Pamitinan ang lihim na pulungan nina Bonifacio at iba pang Katipunero upang magplano ng mga istratehiya't taktika laban sa Kastila. Pinaniniwalaang dito isinagawa ang Unang Sigaw para sa Kalayaan ng Bayan laban sa Espanya noong Biyernes Santo ng Abril 1895. Isinulat pa nila sa dingding ng kweba ang panawagang “Viva Independencia" na mababakas pa rin hanggang ngayon. Dito rin nila isinagawa ang paglilinis ng kalooban na nakatitik sa Kartilya ng Katipunan. 

Noong Hulyo 7, 1996 ang kweba ng Pamitinan ay idineklarang National Historical Site at noong Oktubre 10, 1996, ito’y idineklarang Protected Area Landscape. 

Makasaysayan ang aktibidad na ito na nagdulot sa akin ng kakaibang pakiramdam at pagiging committed sa gawaing history hanggang ngayon.

Martes, Mayo 10, 2011

Mabuhay ka, Ka Andy

MABUHAY KA, KA ANDY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

mabuhay ka, Ka Andy, mabuhay ka
pagkat ipinaglaban mo ang masa
tuloy pa ang iyong pakikibaka
pagkat marami kaming narito pa

kami sa iyo’y totoong saludo
tunay kang bayani ng bansang ito
dakila ka sa mga ginawa mo
kaya kami ngayon ay taas noo

di pa tapos ang iyong rebolusyon
himagsik mo'y amin pang sinusulong
krisis pa rin ang bansa tulad noon
kaya tuloy ang himagsikan ngayon

pamana mo'y aming sinasariwa
pagkat ikaw'y magandang halimbawa

30 nobyembre 2009
sampaloc, maynila

Linggo, Mayo 8, 2011

Bonifacio - tula ni Benigno Ramos

BONIFACIO
ni Benigno Ramos
12 pantig bawat taludtod

[mula sa aklat na Gumising Ka, Aking Bayan, ni Benigno Ramos, pahina 194, inilathala ng Ateneo de Manila University Press, noong 1998]

"Nasaan ang aking turong katapangan
na inihasik ko nang bago mamatay?
Bakit natitiis na kayo'y tawanan
ng lahat ng bansa sa sansinukuban?

Inuunan ninyo ang pagpaparangya
at pati paglustay ng k'warta'y masagwa,
Baya'y nalulubog sa pagkadiwara
ay di ninyo pansin sa gitna ng tuwa.

Wala kayong hangad kundi ang mabuhay
kahit mapasawi ang sariling bayan,
kung magsipagsabi kayo'y makabayan
bagkus ang totoo'y pawang makatiyan!

Walang kasarinlan kayong makukuha
pagka't kayo'y busog at walang panata..."
"Ikaw ay magtigil, at sino ka baga?
"Andres Bonifacio na inyong kilala."

Ang abang binata ay biglang nanginig
kinusot ang mata't hindi nakaimik,
pamaya-maya pa'y nagbuka ng bibig:
"Andres Bonifacio, ikaw'y may matwid!"

Pagkakaisa, sirka 1929-30

Lunes, Mayo 2, 2011

Bonifacio 2 - tula ni Ka Amado V. Hernandez

BONIFACIO
ni Amado V. Hernandez

[Isa ito sa dalawang tula ni AVH na pinamagatang Bonifacio. Ang bersyong ito ay mula sa aklat na Tudla at Tudling, mp. 276-277.]

I
Pag malubha na ang init, sumasabog din ang bulkan,
pag labis ang pagkadusta'y naninigid din ang langgam:
at ang bayan, kahit munti, kung inip na sa karimlan,
sa talim ng isang tabak hinahanap ang liwayway!

Walang bagay sa daigdig na di laya ang pangarap,
iyang ibon, kahit ginto ang kulunga'y tumatakas;
kung baga sa ating mata, kalayaan ay liwanag,
at ang bulag, tao't bayan ay tunay na sawingpalad!

Parang isang bahagharing gumuhit sa luksang langit,
ang tabak ni Bonifacio'y tila kidlat na gumuhit
sa palad ng ating bayang "nauuhaw'y nasa tubig."

Sa likuran ng Supremo'y kasunog ang buong lahi,
samantalang libo-libo ang pangiting nasasawi,
sa gitna ng luha't dugo, ang paglaya'y ngumingiti.

II
Ang kalansay ng bayaning nangalagas sa karimlan,
naging hagdan sa dambana ng atin ding kasarinlan;
at ang Araw, kaya pala anong pula ng liwayway,
ay natina sa dumanak na dugo ng katipunan!

Namatay si Bonifacio, subali't sa ating puso,
siya'y mutyang-mutyang kayamanang nakatago;
wari'y kuintas ng bulaklak, nang sa dibdib ay matuyo,
bagkus natin nalalanghap ang tamis ng dating samyo.

Sa Ama ng Katipuna'y kautangan nating lahat
ang dunong na matutunan ng lakas sa kapwa lakas,
bating-buhay, nang magpingki'y may apoy na naglalablab!

Natanto ring kug may tubig na pandilig sa pananim,
ang laya man, kung nais na mamulaklak ay dapat ding
diligin ng isang lahi ng dugong magigiting.

III
Iyang mga baya'y tulad ng isda rin palibhasa,
ang maliit ay pagkain ng malaking maninila;
ang kawawang Pilipinas, pagka't munti at kawawa,
kaya lupang sa tuwina'y apihin ng ibang lupa.

Oh, kay saklap! Anong saklap! Ang sa atin ay sumakop,
isang naging busabos ding tila ibig mangbusabos;
kung kaya ang ating laya'y isa lamang bungang-tilog,
nasa kurus hanggang ngayon itong is Juan de la Cruz!

At ang bayan, sa malaking kasawiang tinatawid,
ang ngalan ni Bonifacio ay lagi nang bukang-bibig,
tinatanong ang panahon kung kailan magbabalik!

Kailan nga magbabalik ang matapang na Supremo?
Tinatawag ka ng bayan: - "Bonifacio! Bonifacio!
isang sinag ng paglaya bawa't patak ng dugo mo!"

Bonifacio - tula ni Amado V. Hernandez

BONIFACIO
ni Amado V. Hernandez
12 pantig bawat taludtod

[Isa ito sa dalawang tula ni AVH na pinamagatang Bonifacio. Ang bersyong ito ay mula sa aklat na Isang Dipang Langit, ni Amado V. Hernandez, pahina 159, inilathala ng Ken Incorporated, Quezon City, noong 1996]

Kalupitan ay palasong bumabalik,
    kaapiha'y tila gatong, nagliliyab;
Katipuna'y naging tabak ng himagsik,
    at ang baya'y sumiklab na Balintawak!

Isang tala ang sumipot sa karimlan,
    maralita't karaniwang Pilipino;
ang imperyo'y ginimbal ng kanyang sigaw,
    buong lahi'y nagbayaning Bonifacio!

Balintawak, Biak-na-Bato, Baraswain,
    naghimala sa giting ng bayang api;
kaalipnan ay nilagot ng alipin,
    at nakitang may bathalang kayumanggi.

Republika'y bagong templong itinayo
    ng bayan din, di ng dayo o ng ilan;
Pilipinas na malaya, bansang buo,
    na patungo sa dakilang kaganapan.

Lunes, Abril 25, 2011

Hinagad ni Bonifacio - tula ni Jose Corazon de Jesus

HINAGAD NI BONIFACIO
ni Jose Corazon de Jesus
16 pantig bawat taludtod

[mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, pahina 128-129, nilathala ng De La Salle University Press, Inc. noong 1995]

Isang gabing hatinggabi na malamig at malungkot
sa nayon ng Balintawak ang bantayog ay kumilos;
bumaba sa kinalagyan, lumibot sa mga pook,
na hawak di't nasa kamay ang Watawat at ang Gulok.

Dinalaw ang mga pook na sumaksi nang nagdaan
sa madugong pangyayari, sa madugong paglalaban.
"Nahan kayo? Nahan kayo kabataan nitong bayan?
Nahan kayo mga lilong pulitikong salanggapang?"

"Ako kaya naging sawi'y sa pagtuklas ng paglaya,
naputol ang hininga ko sa parang ng dugo't luha;
kayong aking nangaiwan sa mithiing ating nasa,
nahan kayo't di magbangon sa hihigang mapayapa."

Lumawig ang hatinggabi at dumating ang umaga,
ang araw ay ngumiti ring tila bagong kakilala;
at sa dakong Intramuros nitong s'yudad de Manila
ay nakita ang maraming pulitikong naghuhunta.

"Ano, ating tanggapin na ang Bill Fairfeld na may taning?"
Mayr'ong sumagot ng "hindi," may sumagot na "tanggapin."
Anupa't ang bawat isa'y di malaman ang layunin,
kung tanggapin o kung hindi iyang lintik na bagong bill.

At ang mga nagtatalong pulitiko ay nagitla
nang si Andres Bonifacio ay lumipat sa kanila:
"Alinlangan pa ba kayo sa Paglayang kinukuha?
Ano't kayo ay papayag, nasaan ang inmediata?"

"Kaming mga nakilaban sa ngalan ng kalayaan
ay namatay at nabaon sa paglayang madalian.
Hindi namin hinihingi ang taningan at takdaan,
ito'y ating Kalayaa't katuwiran ang ibigay."

"Mangahiya kayo niyang naturingang mga lider,
ang damdamin nitong baya'y di pa pala nalilining.
Ano't inyong itatanong ay sinabi na nga namin,
ang paglayang nais namin ay ngayon din at ngayon din?"

"Kung di ninyo makukuha at kayo ay natatakot,
sa duwag na mga tao'y walang layang maaabot.
Mabuti pa'y ako na nga ang sa inyo ay umumog
upang kayong diwang taksil sa bayan ko ay maubos."

At ang mga pulitikong medyo hindi medyo oo
sa pagtanggap ng Bill Fairfeld, hinagad ni Bonifacio.
Nang mahuli't malapat na ang taksil na pulitiko,
ang estatwa'y nanauling batong nasa monumento.


Ano ang Bill Fairfeld na binabanggit ni Jose Corazon de Jesus?
Mula sa blog na http://philippinehistory.ph/tag/philippine-elite/

Mga Landas Tungo sa Kalayaan (2) Dante L. Ambrosio

"Naharap sa usapin ng Fairfield Bill ang ikatlong misyon noong 1924 na pinamunuan nina Quezon at Osmeña. Ipinangako ng panukalang batas ang kalayaan ng Pilipinas makaraan ang 20 taon ng komonwelt. Bagaman sang-ayon sa pangkalahatan sina Quezon at Osmeña sa panukalang batas lalo’t masususugan ito, matindi itong tinutulan  sa Pilipinas. Isang dahilan ng pagtutol ang nakapirmeng panahon bago ibigay ang kalayaan. Ayon sa ilang tumutol, pipigilan nito ang pagkilos para sa mas maagang kalayaan. Dahil sa malakas na pagtutol sa Pilipinas at sa Estados Unidos mismo, walang nangyari sa panukalang batas."