PANGULONG ANDRES BONIFACIO
ni Dr. Milagros Guerrero
Propesor, Departamento ng Kasaysayan, Unibersidad ng Pilipinas)
[Ang artikulong ito ay iniambag ni Dr. Guerrero sa Kamalaysayan at inilathala naman bilang isang bahagi ng aklat na Bonifacio: Siya ba ay Kilala Ko? ni Ed Aurelio C. Reyes. Nalathala rin ito sa magasing Tambuli, ika-5 isyu, Agosto 2006, na inilathala ng Katipunang DakiLahi, mula pahina 12-17.]
Panahon na upang iwasto ang mga maling pag-aakala at pagdiriwang kay Emilio Aguinaldo at sa Republika ng Malolos bilang unang pangulo at unang pamahalaan ng Pilipinas.
Batay sa orihinal at awtentikong mga dokumento ng himagsikan, si Bonifacio na siyang nagtatag ng Katipunan at nag-organisa ng rebolusyon ang siyang nanguna sa pagtatatag at pagsisimula ng unang pambansang pamahalaan noong 1896 at siyang unang pangulo ng Pilipinas, mula ika-24 ng Agosto 1896 hanggang ika-10 ng Mayo 1897. Nakalulungkot na ang katotohanang ang paglikha ng pamahalaan ng Katagalugan na kasabay halos ng Unang Sigaw ng Rebolusyon ay tandisang hindi binigyang-pansin ng halos lahat ng historyador ng Pilipinas.
Nang magpulong ang Katipunan sa bahay ni Melchora Aquino sa baryo ng Bahay Toro, Kalookan, noong ika-24 ng Agosto, 1896, ang pamunuan at mga tagasunod ay gumawa ng tatlong mahahalagang kapasyahan: (1) ang magdeklara ng isang sandatahang paghihimagsik laban sa Espanya; (2) ang magtatag ng isang pambansang pamahalaan at maghalal ng mga opisyal na mamumuno rito; at (3) magtatag ng sandatahang lakas.
Nailantad nang husto ang lihim na Katipunan at napilitang maging isang hayag na pamahalaang de facto, ayon sa istruktura nitong maihahalintulad sa isang burukrasya at may pamunuang inihalal. Pinatutunayan ito ng mga pananaliksik nina John M. Taylor, Gregorio F. Zaide at Teodoro A. Agoncillo.
Naging maliwanag ang kahulugan at istruktura ng Pamahalaan ng Katagalugan ni Bonifacio nang suriin ng ilang mag-aaral ang mga liham at mga dokumentong isinulat ni Andres Bonifacio na matagal rin namang iningatan ni Epifanio de los Santos, yumaong historyador at direktor ng Aklatan at Museo ng Pilipinas bago mag-Ikalawang Daigdigang Digmaan at ang kanyang anak na si Gng. Teresa Pangan. Magmula noong 1988, nang ang mga dokumentong ito ay napasakamay ng iba't ibang kolektor, nagkaroon ng pagkakataon ang mga mag-aaral ng kasaysayan na makita ang mga ebidensyang nabanggit.
Tatlong liham ni Bonifacio kay Emilio Jacinto at isang nombramyento kay Bonifacio - na isinulat sa pagitan ng ika-8 ng Marso at ika-24 ng Abril 1897 nang ang Supremo ay nasa Cavite na - ang nagpapatunay nang buong linaw na si Bonifacio nga ang unang Pangulo ng isang pambansang pamahalaan. Taglay ng mga liham na ito ang mga sumusunod na titulo, ranggo at katawagan ni Bonifacio: Pangulo ng Kataas-taasang Kapulungan; Ang Kataas-taasang Pangulo; Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan; Ang Pangulo ng Haring Bayan, maytayo ng K.K. Katipunan ng mga Anak ng Bayan at Unang Naggalaw ng Panghihimagsik.
Sinuri ng ilang historyador ang mga katawagang ito noong bago naganap ang Ikalawang Daigdigang Digmaan. Batay sa mga katunayang ito, kasama na ang plaka ng pangalan o nameplate sa sambalilo ni Bonifacio, kinilala ni Jose P. Bantug noong 1929 na ang ranggo ni Bonifacio sa pamahalaang mapanghimagsik ay 'Kataastaasang Pangulo' at 'Heneral Blg. 1.' Ganito rin ang kongklusyon at pagkilala nina Jose P. Santos, anak ni Epifanio de los Santos (1933) at ni Zaide (1939).
Ngunit nagkamali ng pagbasa ang mga historyador sa nabanggit na pariralang 'Ang Haring Bayan' na ipinagpalagay nilang 'Ang Hari ng Bayan' bilang patungkol kay Bonifacio, sa halip na sa bayan. Kung isasalin sa Inggles, ang pariralang 'Haring Bayan' ay nangangahulugang 'Sovereign Nation.' Ang pariralang ito ay matatagpuan sa Katitikan ng Kapulungan sa Tejeros noong ika-23 ng Marso 1897, sa nombramyento kay Emilio Jacinto na may petsang ika-15 ng Abril 1897, at isang pahayag ni Bonifacio (walang petsa) na may pamagat na 'Katipunan Mararahas ng mga Anak ng Bayan.'
Sapagkat hindi nila mapatunayan sa mga panahong iyon na may pamahalaan ngang itinatag si Bonifacio bago magpulong sa Tejeros, inakala ng mga historyador na iyon na nagtangka lamang si Bonifacio na magtayo ng isang pamahalaang hiwalay kay Aguinaldo pagkatapos ng asambleya sa Tejeros, at lumalabas na nagkasala pa ng pagtataksil sa bayan si Bonifacio.
Sa kontemporaryong mga lathalain noon ay makukuha ang mga katunayan tungkol sa posisyon ni Bonifacio sa pamahalaang naghihimagsik. Halimbawa, sa sipi ng La Illustracion Española y Americana na may petsang ika-8 ng Pebrero 1897 ay makikita ang isang grabadong larawan ni Bonifacio na nakasuot ng itim na amerikana at puting kurbata na may kapsyon na 'ANDRES BONIFACIO. TITULADO (PRESIDENTE) DE LA REPUBLICA TAGALA'. Binabanggit ng koresponsal o reporter na si G. Reparaz na si Bonifacio ang pinuno ng pamahalaang katutubo.
Ayon kay Reparaz, ang mga pangunahing opisyal ng pamahalaan ni Bonifacio ay ang mga sumusunod: Teodoro Plata, Kalihim Pandigma; Emilio Jacinto, Kalihim ng Estado; Aguedo del Rosario, Kalihim ng Kagawarang Panloob; Briccio Pantas, Kalihim ng Katarungan; at Enrique Pacheco, Kalihim ng Kabuhayan. Samantala, si Aguinaldo ay inilalarawan lamang bilang isang "Generalissimo."
Ang pagkakatatag ng pamahalaang naghihimagsik nang mga huling araw ng Agosto 1896 ay inilarawan ni Pio Valenzuela, na hindi nadakip kundi kusang sumuko sa mga maykapangyarihan noong ika-2 ng Setyembre at marami ang isiniwalat. Ang ulat nito ay sinang-ayunan naman ng historyador na si Emilio Reverter Delmas na ibinatay ang kanyang dalawang tomong aklat sa mga ulat na isinumite ng mga koresponsal na nasa field, alalaong-baga, sa mga kapanahong pahayagan na akin namang sinangguni sa Madrid.
Ayon kay Reverter Delmas, ang pagkakadakip kay Aguedo del Rosario, na siyang Kalihim ng Kagawarang Panloob, noong ika-16 ng Setyembre, 1896, ay lubhang napakahalaga (una importantissima captura) sapagkat isa siya sa mga naatasang lumikha ng Pamahalaang Naghihimagsik ng Pilipinas at siyang pinagkatiwalaan ng Katipunan upang gampanan ang tungkulin ng pamamahala o gobernacion).
Ngunit nang madakip nga si Del Rosario, ayon sa historyador, sa halip na posisyong ministeryal ang kanyang maaaring makaharap ay ang kanyang sariling ataul, kung kaya't katulad ni Valenzuela ay nagpasya din ito na isiwalat ang mga plano at proyekto ng kanyang mga kasama sa Katipunan.
Mula sa Bahay Toro ay inilipat ni Bonifacio ang sentro ng Pamahalaang Katagalugan sa Balara noong ika-30 ng Agosto, 1896. Kung babasahin natin ang mga karaniwang pagsusuri ng mga pangyayari sa pagitan ng katapusan ng Agosto at mga unang araw ng Nobyembre, 1896, ay para bang kagyat na napalipat na lamang ang himagsikan sa Cavite. Mapapansin na ang mga manunulat na ito ay hindi man lamang kumonsulta sa mga pahayagan sa Maynila o di kaya'y sa mga pahayagan sa Madrid na kapupulutan ng kaalaman tungkol sa mga pangyayari sa iba't ibang bahagi ng Luzon sa panahong iyon.
Mula sa Balara ay tumungo si Bonifacio sa Cavite, kung saan siya nanatili nang halos anim na buwan, mula nang mga unang araw ng Nobyembre, 1896, hanggang sa siya'y patayin ng mga tauhan ni Emilio Aguinaldo noong unang hati ng Mayo, 1897.
Sa Cavite makikita ang mga ebidensyang nagpapatunay na nang dumating siya sa lalawigang ito, si Bonifacio ang nangungunang pinuno at pangulo ng isang pamahalaang naghihimagsik na sa huli'y binuwag ng mga pwersa ni Emilio Aguinaldo upang ito (si Aguinaldo) ay maluklok sa kapangyarihan.
Maaalala na nang sumiklab ang himagsikan sa Cavite ay may tatlong Sangguniang Bayan dito: (1) ang Magdiwang na nakabase sa Noveleta; (2) ang Magdalo na nasa Kawit; at (3) ang Mapagtiis na nasa San Francisco de Malabon. Sa bandang huli'y naging dalawa lamang ito. Sa pagdating ni Bonifacio sa lalawigan, malugod at maginoo ang pagsalubong at pakikitungo sa kanya ng mga pinuno ng mga kampo na, sa kalasingan sa mabuway na tagumpay laban sa mga Kastila'y nagsimula nang magkanya-kanya at maglaban-laban.
Mayroong katunayan na may isang pamahalaang umuugit na higit na mataas sa mga sangguniang bayan, maging pamahalaang panlalawigan, at ang higit na mataas na pamahalaang ito ay pinamumunuan ni Bonifacio. Ang katunayang ito ay ang isyu ng konstitusyong inialok ni Edilberto Evangelista kay Bonifacio. Mapilit ang kampo ng mga Magdalo na tanggapin ni Bonifacio ang konstitusyong iyon upang ipalit at ipambasura sa mga alituntuning sinusunod ng Pamahalaang Katagalugan. Ang pagtanggi ni Bonifacio rito ay naging isang mainit na titis upang magsiklab ang pagkainis ng mga Magdalo sa Supremo ng Katipunan. Noong Disyembre, 1896, ay may nakahanda nang borador ng isang konstitusyon ng mga Magdalo nang maging panauhin ni Bonifacio sa kanyang tahanan sa San Francisco de Malabon si Evangelista.
Ayon kay Artemio Ricarte at Santiago Alvarez, naghandog si Evangelista ng isang saligang-batas na nais niyang gamitin ni Bonifacio para sa pamahalaang naghihimagsik. Ito ay isang patunay, matagal pa bago magsimula ang kontrobersyal na asambleya sa Tejeros, na siya ay kinikilala bilang pinuno ng isang pamahalaang naghihimagsik. At ang pagkilala, bagamat hindi direstahan at pasalita lamang, ay nanggaling pa sa isang kinikilalang kasapi ng makapangyarihang uri sa Cavite. Si Evangelista ay isang inhinyerong sibil na nagtapos pa sa Belgium at isang tinyente-heneral sa sandatahang lakas ni Aguinaldo. Siya ang responsable sa konstruksyon ng mga trensera sa Bacoor, Binakayan at Kawit.
Ang sigalot sa Tejeros, na paksa ng maraming mga aklat, ay isa lamang patunay na kinailangan ng mga Magdalo ang isang halalan upang mapalitan ang isang lehitimong pamahalaang pinamumunuan ni Bonifacio. Sa isang bagong pagtingin, kinailangan din na mawala sa landas ang supremo ng Katipunan (sa isang aksyong tahasang matatawag na isang kudeta) sa pamamagitan ng isang kunwa-kunwariang paglilitis, at sa bandang huli, sa pagpatay sa kanya, upang mapalitan ang kanyang pamahalaan ng pamahalaan ni Aguinaldo.