Ang Simbolikong Paglilibing kay Gat Andres Bonifacio
sa Kweba ng Pamitinan sa Wawa, Montalban, Rizal, Mayo 10, 1997
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Saksi ako sa simbolikong paglilibing kay Gat Andres Bonifacio sa kweba ng Pamitinan sa Wawa, Montalban, Rizal, noong Mayo 10, 1997, isandaang taong anibersaryo ng kanyang pagkapaslang sa kamay ng kapwa kababayan. Staff pa ako ng Sanlakas noon nang mapasama ako rito't naging kasapi ng history group na Kamalaysayan (Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan). Ang simbolikong paglilibing ay pinangunahan ng grupong Kamalaysayan, na pinamagatan nilang Sentenaryo Bonifacio '97: The People's Symbolic Funeral of Andres Bonifacio.
Dumalo dito ang mga apo ni Bonifacio, kabilang si Gary Bonifacio (na hindi pa abogado noon), mga taga-akademya, kabataan, environmentalist, mga kasapi ng grupong Sanlakas, at marami pang iba. Ipinasok sa loob ng kweba ang isang urna bilang simbolo ng paglilibing kay Bonifacio, at nagkaroon ng maikling programa, kung saan binigkas namin ang Kartilya ng Katipunan. Ayon sa alamat, dito sa Kweba ng Pamitinan ikinulong ng nag-uumpugang bato si Bernardo Carpio, isang bayani ng bayan na ang lakas ay tulad ng kay Samson ni Delilah. Ang kweba ng Pamitinan ang tinuturing na "Temple of Katipunan Spirit".
Noong 1895, dito sa kweba ng Pamitinan ang lihim na pulungan nina Bonifacio at iba pang Katipunero upang magplano ng mga istratehiya't taktika laban sa Kastila. Pinaniniwalaang dito isinagawa ang Unang Sigaw para sa Kalayaan ng Bayan laban sa Espanya noong Biyernes Santo ng Abril 1895. Isinulat pa nila sa dingding ng kweba ang panawagang “Viva Independencia" na mababakas pa rin hanggang ngayon. Dito rin nila isinagawa ang paglilinis ng kalooban na nakatitik sa Kartilya ng Katipunan.
Noong Hulyo 7, 1996 ang kweba ng Pamitinan ay idineklarang National Historical Site at noong Oktubre 10, 1996, ito’y idineklarang Protected Area Landscape.
Makasaysayan ang aktibidad na ito na nagdulot sa akin ng kakaibang pakiramdam at pagiging committed sa gawaing history hanggang ngayon.