Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog
ni Andres Bonifacio
Itong Katagalugan, na pinamamahalaan noong unang panahon ng ating tunay na mga kababayan, noong hindi pa tumutuntong sa mga lupaing ito ang mga Kastila, ay nabubuhay sa lubos na kasaganaan, at kaginhawahan. Kasundo niya ang mga kapitbayan at lalong-lalo na ang mga taga-Hapon. Sila’y kabilihan at kapalitan ng mga kalakal, malabis ang pagyabong ng lahat ng pinagkakakitaan, kaya’t dahil dito’y mayaman ang kaasalan ng lahat. Bata’t matanda at sampu ng mga babae ay marunong bumasa at sumulat ng talagang pagsulat nating mga Tagalog. Dumating ang mga Kastila at dumulog na nakipagkaibigan. Sa mabuti nilang hikayat na diumano na tayo’y aakayin sa lalong kagalingan at lalong imumulat ang ating kaisipan, ang nasabing nagsisipamahala ay nangyaring nalamuyot sa tamis ng kanilang dila sa paghibo. Gayunman, sila’y ipinailalim sa talagang kaugalian ng mga Tagalog na sinaksihan at pinapagtibay ang kanilang pinagkayarian sa pamamagitan ng isang panunumpa na kumuha ng kaunting dugo sa kani-kanilang mga uga, at yao’y inihalo’t ininom nila kapwa tanda ng tunay at lubos na pagtatapat na di magtataksil sa pinagkayarian. Ito’y siyang tinatawag na “Pacto de Sangre” ng Haring Sikatuna at ni Legaspi na pinakakatawan ng hari sa Espana.
Buhat nang ito’y mangyari ay bumibilang na ngayon sa tatlong dantaong mahigit na ang lahi ni Legaspi ay ating binubuhay sa lubos na kasaganaan, ating pinagtatamasa at binubusog, kahit abutin natin ang kasalatan at kadayukdukan; iginugugol natin ang yaman, dugo at sampu ng buhay sa pagtatangol sa kanila; kinakahamok natin sampu ng tunay na mga kababayan na aayaw pumayag na sa kanila’y pasakop, at gayundin naman, nakipagbaka tayo sa mga Intsik at mga Olandes na nagbalang umagaw sa kanila nitong Katagalugan.
Ngayon, sa lahat ng ito’y ano ang sa mga ginawa nating paggugugol ang nakikitang kaginhawahang ibinigay sa ating Bayan? Ano ang nakikita nating pagtupad sa kanilang kapangakuan na siyang naging dahil ng ating paggugugol! Wala kundi pawang kataksilan ang ganti sa ating mga pagpapala at mga pagtupad sa kanilang ipinangakong tayo’y lalong gigisingin sa kagalingan at bagkus tayo'ng binulag, inihawa tayo sa kanilang hamak na asal, pinilit na sinira ang mahal at magandang ugali ng ating Bayan. Iminulat tayo sa isang maling pagsampalataya at isinadlak sa lubak ng kasamaan ang kapurihan ng ating Bayan. At kung tayo’y mangahas humingi ng kahit gabahid na lingap, ang nagiging kasagutan ay ang tayo’y itapon at ilayo sa piling ng ating minamahal na anak, asawa at matandang magulang. Ang bawat isang himutok na pumulas sa ating dibdib ay itinuturing na isang malaking pagkakasala at karakarakang nilalapatan ng sa hayop na kabangisan.
Ngayon, wala nang maituturing na kapanatagan sa ating pamamayan. Ngayon, lagi nang gingambala ang ating katahimikan ng umaalingawngaw na daing at pananambitan, buntunghininga at hinagpis ng makapal na ulila, bao’t mga magulang ng mga kababayang ipinanganyaya ng mga manlulupig na Kastila. Ngayon, tayo’y nalulunod na sa nagbabahang luha ng Ina sa nakitil na buhay ng anak, sa pananangis ng sanggol na pinangulila ng kalupitan na ang bawat patak ay katulad ng isang kumukulong tingga na sumasalang sa mahapding sugat ng ating pusong nagdaramdam. Ngayon, lalo’t lalo tayong nabibilibiran ng tanikala ng pagkaalipin, tanikalang nakalalait sa bawat lalaking may iniingatang kapurihan. Ano ang nararapat nating gawin? Ang araw ng katuwiran na sumisikat sa Silanganan, ay malinaw na itinuturo sa ating mga matang malaong nabulagan, ang landas na dapat nating tunguhin, ang liwanag niya’y tanaw sa ating mga mata, ang kukong nag-akma ng kamatayang alay sa atin ng mga ganid na asal. Itinuturo ng katuwiran, na wala tayong iba pang maaantay kundi lalo’t lalong kahirapan, lalo't lalong kataksilan, lalo't lalong kaalipustaan, at lalo't lalong kaalipinan. Itinuturo ng katuwiran, na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipinangakong kaginhawahan na hindi darating at hindi mangyayari. Itinuturo ng katuwiran ang tayo’y umasa sa ating sarili at huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan. Itinuturo na katuwiran ang tayo’y magkaisang-loob, magkaisang isip at akala at nang tayo’y magkalakas na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating Bayan.
Panahon na ngayong dapat na lumitaw ang liwanag ng katotohanan. Panahon nang dapat nating ipakilala na tayo’y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya at pagdadamayan. Ngayo'y panahon nang dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang aral na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan. Panahon na ngayong dapat makilala ng mga Tagalog ang pinagbuhatan ng kanilang mga kahirapan. Araw na itong dapat kilalanin na sa bawat isang hakbang natin ay tumutuntong tayo at nabibingit sa malalim na hukay ng kamatayan na sa ati’y inuumang ng mga kaaway.
Kaya, O mga kababayan! Ating idilat ang bulag na kaisipan at kusang igugol sa kagalingan ang ating lakas, sa tunay at lubos na pag-asa na magtagumpay sa nilalayong kaginhawahan ng bayang tinubuan.