MARARAHAS NA MGA ANAK NG BAYAN
ni Andres Bonifacio
Ang inyong ipinakilalang katapangan sa pakikihamok sa kaaway na mga Kastila buhat pa ng simulan itong panghihimagsik ay siyang nagsasabing mataas na di ninyo ikinasisindak ang ugong ng paghahanda at pagsalakay dito ng hukbong akay ni Polavieja, na sa kaunting panahon ay nagpakilala na ng malabis na karuwagan at hamak na kaasalan ng alipin sa kanyang pagpapahirap at malimit na pagpatay sa makapal na kalahing hindi nagsisilaban. Yaong pagpapasunog nito sa mga bayan, yaong paglapastangan at pagdungis sa kapurihan ng mga babae na di pinakundanganan ang kanilang kahinaan, yaong pagputol ng buhay ng mga matatandang hindi na makausad at sanggol na sumususo pa, na kailanman ay hindi aasalin at gagawin ng sino pa mang lalaking may puri at may tapang, ay humihingi ng isang masiglang paghihiganti at matinding kaparusahan.
Sa inyong pamimiyapis, mangyayaring abutin ang kayo’y tanghaling bangkay sa gitna ng parang ng pakikidigma; nguni’t ito’y isang kapurihang inyong maipamamana sa ating Bayan, sa ating lahi, at sa ating angkan.
Ang inyong mapupugtong hininga ay siyang magbibigay buhay sa ating Bayan at siyang matamis na alaala sa gunita ng inyong mga kapatid na maiiwan.
Dapat naman ninyong mabatid na ang kadahilanan ng ating paggugugol ng lalong mahalaga sa loob at sampu ng ingat na buhay ay nang upang tamuhin at kamtan yaong nilalayong Kalayaan ng ating Bayang tinubuan na siyang magbibigay ng buong kaginhawahan at magbabangon ng ating kapurihan na inilugmok ng kaalipinan sa hukay ng kadustaang walang makatulad.
Sasagi kaya sa inyong loob ang panlulumo at aabutin kaya ng panghihinayang na mamatay sa kadahilanang ito? Hindi! Sapagka’t nakikintal sa inyong gunita yaong libolibong kinitil na buhay ng mapanganyayang kamay ng Kastila, yaong daing, yaong himutok at pananangis ng mga pinapangulila ng kanilang kalupitan, yaong mga kapatid nating nangapipiit sa kalagimlagim na bilangguan at natitiis ng walang awang pagpapahirap, yaong walang tilang pag-agos ng luha ng mga nawalay sa piling ng kanilang mga anak, asawa at matatandang magulang na itinapon sa iba’t ibang malalayong lupa at ang katampalasanang pagpatay sa ating pinakaiibig na kababayan na si M. Jose Rizal ay nagbukas sa ating puso ng isang sugat na kailan pa ma’y hindi mababahaw. Lahat ng ito ay sukat nang magpaningas sa lalong malamig na dugo at magbunsod sa atin sa pakikihamok sa hamak na Kastila na nagbibigay sa atin ng lahat ng kahirapan at kamatayan.
Kaya mga kapatid, igayak ang loob sa pakikipaglaban at pakaasahan ang pagtatagumpay, sapagka’t nasa atin ang tunay na katuwiran at kabanalang gawa. Ang kastila, iyang kasuklamsuklam na lahing dito’y napasuot, ang tanging ipinaglalaban ay ang maling katuwirang panggagaga at panlulupig dito sa di nila bayan.
Sa lahat ng ito, nang malubos ang kabanalan at kapurihan ng ating lahi, ng tanghalin ng sandaigdigan ang kamahalan ng ating kalooban, ay huwag nating tularan ang kalabang Kastila sa pagkahamak ng asal na ugaling gamit sa pakikidigma. Huwag tayong makipaghamok sa kaibigan lamang na pumatay kundi sa pagtatanggol ng Kalayaan ng ating Bayan, at abutin sa mahigpit na pagkakayakap nating mga anak ng Bayan ay maihiyaw ng buong lakas na Mabuhay! Mabuhay ang Haring Bayang Katagalugan!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento