PAG-IBIG SA TINUBUANG LUPA
ni Andres Bonifacio
12 pantig bawat taludtod
1
Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa tinub'ang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.
2
Ulit-ulitin mang basahin ng isip
At isa-isahing talastasing pilit
Ang salita't buhay na limbag at titik
Ng sangkatauhan ito'y namamasid.
3
Banal na Pag-ibig! Pag ikaw ang nukal
Sa tapat na puso ng sino't alinman,
Imbi't taong-gubat, maralita't mangmang,
Nagiging dakila at iginagalang.
4
Pagpupuring lubos ang palaging hangad
Sa bayan ng taong may dangal na ingat;
Umawit, tumula, kumatha't sumulat,
Kalakhan din niya'y isinisiwalat.
5
Walang mahalagang hindi inihandog
Ng may pusong mahal sa Bayang nagkupkop:
Dugo, yaman, dunong, katiisa't pagod,
Buhay ma'y abuting magkalagot-lagot.
6
Bakit? Alin ito na sakdal nang laki
Na hinahandugan ng buong pagkasi?
Na sa lalong mahal nakapangyayari
At ginugugulan ng buhay na iwi?
7
Ay! Ito'y ang Inang Bayang tinubuan,
Siya'y ina't tangi na kinamulatan
Ng kawili-wiling liwanag ng araw
Na nagbigay-init sa lunong katawan.
8
Sa kaniya'y utang ang unang pagtanggap
Ng simoy ng hanging nagbibigay-lunas
Sa inis na puso na sisinghap-singhap
Sa balong malalim ng siphayo't hirap.
9
Kalakip din nito'y pag-ibig sa Bayan
Ang lahat ng lalong sa gunita'y mahal
Mula sa masaya't gasong kasanggulan
Hanggang sa katawa'y mapasalibingan.
10
Ang nangakaraang panahon ng aliw,
Ang inaasahang araw na darating
Ng pagkatimawa ng mga alipin,
Liban pa sa Bayan saan tatanghalin?
11
At ang balang kahoy at ang balang sanga
Ng parang n'ya't gubat na kaaya-aya,
Sukat ang makita't sasaalaala
Ang ina't ang giliw, lumipas na saya.
12
Tubig n'yang malinaw na anaki'y bubog,
Bukal sa batisang nagkalat sa bundok,
Malambot na huni ng matuling agos,
Na nakaaaliw sa pusong may lungkot.
13
Sa aba ng abang mawalay sa Bayan!
Gunita ma'y laging sakbibi ng lumbay,
Walang alaala't inaasam-asam
Kundi ang makita'y lupang tinubuan.
14
Pati ng magdusa't sampung kamatayan
Wari ay masarap kung dahil sa Bayan
At lalong maghirap, O! himalang bagay,
Lalong pag-irog pa ang sa kanya'y alay.
15
Kung ang Bayang ito'y nasasapanganib
At siya ay dapat na ipagtangkilik,
Ang anak, asawa, magulang, kapatid
Isang tawag niya'y tatalikdang pilit.
16
Dapwat kung ang bayan ng Katagalugan
Ay nilapastangan at niyuyurakan
Katuwiran, puri niya't kamahalan
Ng sama ng lilong taga-ibang bayan.
17
Di gaano kaya ang paghihinagpis
Ng pusong Tagalog sa puring nilait?
Aling kalooban na lalong tahimik
Ang di pupukawin sa paghihimagsik?
18
Saan magbubuhat ang paghinay-hinay
Sa paghihiganti't gumugol ng buhay
Kung wala ding iba na kasasadlakan
Kundi ang lugami sa kaalipinan?
19
Kung ang pagkabaon n'ya't pagkabusabos
Sa lusak ng saya't tunay na pag-ayop,
Supil ng panghampas, tanikalang gapos
At luha na lamang ang pinaaagos?
20
Sa kaniyang anyo'y sino ang tutunghay
Na di aakayin sa gawang magdamdam?
Pusong naglilipak sa pagkasukaban
Ang hindi gumugol ng dugo at buhay.
21
Mangyayari kaya na ito'y masulyap
Ng mga Tagalog at hindi lumingap
Sa naghihingalong Inang nasa yapak
Na kasuklam-suklam sa Kastilang hamak?
22
Nasaan ang dangal ng mga Tagalog?
Nasaan ang dugong dapat na ibuhos?
Baya'y inaapi, bakit di kumilos
At natitilihang ito'y mapanuod?
23
Hayo na nga kayo, kayong nangabuhay
Sa pag-asang lubos na kaginhawahan
At walang tinamo kundi kapaitan
Hayo na't ibigin ang naabang Bayan.
24
Kayong natuy'an na sa kapapasakit
Ng dakilang hangad sa batis ng dibdib,
Muling pabalungi't tunay na pag-ibig
Kusang ibulalas sa Bayang piniit.
25
Kayong nalagasan ng bunga't bulaklak,
Kahoy nyaring buhay na nilanta't sukat
Ng bala-balaki't makapal na hirap,
Muling manariwa't sa Baya'y lumiyag.
26
Kayong mga pusong kusang napapagal
Ng daya at bagsik ng ganid na asal,
Ngayon ay magbango’t Bayan ay itanghal
Agawin sa kuko ng mga sukaban.
27
Kayong mga dukhang walang tanging lasap
Kundi ang mabuhay sa dalita’t hirap,
Ampunin ang Bayan kung nasa ay lunas
Pagkat ang ginhawa niya ay sa lahat.
28
Ipaghandog-handog ang buong pag-ibig,
At hanggang may dugo’y ubusang itigis
Kung sa pagtatanggol, buhay ay mapatid
Ito’y kapalaran at tunay na langit.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento