BONIFACIO
ni Benigno Ramos
12 pantig bawat taludtod
[mula sa aklat na Gumising Ka, Aking Bayan, ni Benigno Ramos, pahina 194, inilathala ng Ateneo de Manila University Press, noong 1998]
"Nasaan ang aking turong katapangan
na inihasik ko nang bago mamatay?
Bakit natitiis na kayo'y tawanan
ng lahat ng bansa sa sansinukuban?
Inuunan ninyo ang pagpaparangya
at pati paglustay ng k'warta'y masagwa,
Baya'y nalulubog sa pagkadiwara
ay di ninyo pansin sa gitna ng tuwa.
Wala kayong hangad kundi ang mabuhay
kahit mapasawi ang sariling bayan,
kung magsipagsabi kayo'y makabayan
bagkus ang totoo'y pawang makatiyan!
Walang kasarinlan kayong makukuha
pagka't kayo'y busog at walang panata..."
"Ikaw ay magtigil, at sino ka baga?
"Andres Bonifacio na inyong kilala."
Ang abang binata ay biglang nanginig
kinusot ang mata't hindi nakaimik,
pamaya-maya pa'y nagbuka ng bibig:
"Andres Bonifacio, ikaw'y may matwid!"
Pagkakaisa, sirka 1929-30
Natitipon dito ang mga sanaysay at tula ni Gat Andres Bonifacio, mga alay na tula sa kanya ng iba pang makata, at mga artikulong nakapatungkol sa kanya. Ito'y bilang paghahanda sa kanyang ika-150 kaarawan sa Nobyembre 30, 2013, at sa pagsasaaklat ng kanyang mga sinulat at mga sulatin hinggil sa kanya. Nawa'y makatulong ang blog na ito sa marami nating kababayan sa pagkilala sa kabayanihan ni Gat Andres Bonifacio. Maraming salamat po. - Gregorio V. Bituin Jr.
Linggo, Mayo 8, 2011
Lunes, Mayo 2, 2011
Bonifacio 2 - tula ni Ka Amado V. Hernandez
BONIFACIO
ni Amado V. Hernandez
[Isa ito sa dalawang tula ni AVH na pinamagatang Bonifacio. Ang bersyong ito ay mula sa aklat na Tudla at Tudling, mp. 276-277.]
I
Pag malubha na ang init, sumasabog din ang bulkan,
pag labis ang pagkadusta'y naninigid din ang langgam:
at ang bayan, kahit munti, kung inip na sa karimlan,
sa talim ng isang tabak hinahanap ang liwayway!
Walang bagay sa daigdig na di laya ang pangarap,
iyang ibon, kahit ginto ang kulunga'y tumatakas;
kung baga sa ating mata, kalayaan ay liwanag,
at ang bulag, tao't bayan ay tunay na sawingpalad!
Parang isang bahagharing gumuhit sa luksang langit,
ang tabak ni Bonifacio'y tila kidlat na gumuhit
sa palad ng ating bayang "nauuhaw'y nasa tubig."
Sa likuran ng Supremo'y kasunog ang buong lahi,
samantalang libo-libo ang pangiting nasasawi,
sa gitna ng luha't dugo, ang paglaya'y ngumingiti.
II
Ang kalansay ng bayaning nangalagas sa karimlan,
naging hagdan sa dambana ng atin ding kasarinlan;
at ang Araw, kaya pala anong pula ng liwayway,
ay natina sa dumanak na dugo ng katipunan!
Namatay si Bonifacio, subali't sa ating puso,
siya'y mutyang-mutyang kayamanang nakatago;
wari'y kuintas ng bulaklak, nang sa dibdib ay matuyo,
bagkus natin nalalanghap ang tamis ng dating samyo.
Sa Ama ng Katipuna'y kautangan nating lahat
ang dunong na matutunan ng lakas sa kapwa lakas,
bating-buhay, nang magpingki'y may apoy na naglalablab!
Natanto ring kug may tubig na pandilig sa pananim,
ang laya man, kung nais na mamulaklak ay dapat ding
diligin ng isang lahi ng dugong magigiting.
III
Iyang mga baya'y tulad ng isda rin palibhasa,
ang maliit ay pagkain ng malaking maninila;
ang kawawang Pilipinas, pagka't munti at kawawa,
kaya lupang sa tuwina'y apihin ng ibang lupa.
Oh, kay saklap! Anong saklap! Ang sa atin ay sumakop,
isang naging busabos ding tila ibig mangbusabos;
kung kaya ang ating laya'y isa lamang bungang-tilog,
nasa kurus hanggang ngayon itong is Juan de la Cruz!
At ang bayan, sa malaking kasawiang tinatawid,
ang ngalan ni Bonifacio ay lagi nang bukang-bibig,
tinatanong ang panahon kung kailan magbabalik!
Kailan nga magbabalik ang matapang na Supremo?
Tinatawag ka ng bayan: - "Bonifacio! Bonifacio!
isang sinag ng paglaya bawa't patak ng dugo mo!"
ni Amado V. Hernandez
[Isa ito sa dalawang tula ni AVH na pinamagatang Bonifacio. Ang bersyong ito ay mula sa aklat na Tudla at Tudling, mp. 276-277.]
I
Pag malubha na ang init, sumasabog din ang bulkan,
pag labis ang pagkadusta'y naninigid din ang langgam:
at ang bayan, kahit munti, kung inip na sa karimlan,
sa talim ng isang tabak hinahanap ang liwayway!
Walang bagay sa daigdig na di laya ang pangarap,
iyang ibon, kahit ginto ang kulunga'y tumatakas;
kung baga sa ating mata, kalayaan ay liwanag,
at ang bulag, tao't bayan ay tunay na sawingpalad!
Parang isang bahagharing gumuhit sa luksang langit,
ang tabak ni Bonifacio'y tila kidlat na gumuhit
sa palad ng ating bayang "nauuhaw'y nasa tubig."
Sa likuran ng Supremo'y kasunog ang buong lahi,
samantalang libo-libo ang pangiting nasasawi,
sa gitna ng luha't dugo, ang paglaya'y ngumingiti.
II
Ang kalansay ng bayaning nangalagas sa karimlan,
naging hagdan sa dambana ng atin ding kasarinlan;
at ang Araw, kaya pala anong pula ng liwayway,
ay natina sa dumanak na dugo ng katipunan!
Namatay si Bonifacio, subali't sa ating puso,
siya'y mutyang-mutyang kayamanang nakatago;
wari'y kuintas ng bulaklak, nang sa dibdib ay matuyo,
bagkus natin nalalanghap ang tamis ng dating samyo.
Sa Ama ng Katipuna'y kautangan nating lahat
ang dunong na matutunan ng lakas sa kapwa lakas,
bating-buhay, nang magpingki'y may apoy na naglalablab!
Natanto ring kug may tubig na pandilig sa pananim,
ang laya man, kung nais na mamulaklak ay dapat ding
diligin ng isang lahi ng dugong magigiting.
III
Iyang mga baya'y tulad ng isda rin palibhasa,
ang maliit ay pagkain ng malaking maninila;
ang kawawang Pilipinas, pagka't munti at kawawa,
kaya lupang sa tuwina'y apihin ng ibang lupa.
Oh, kay saklap! Anong saklap! Ang sa atin ay sumakop,
isang naging busabos ding tila ibig mangbusabos;
kung kaya ang ating laya'y isa lamang bungang-tilog,
nasa kurus hanggang ngayon itong is Juan de la Cruz!
At ang bayan, sa malaking kasawiang tinatawid,
ang ngalan ni Bonifacio ay lagi nang bukang-bibig,
tinatanong ang panahon kung kailan magbabalik!
Kailan nga magbabalik ang matapang na Supremo?
Tinatawag ka ng bayan: - "Bonifacio! Bonifacio!
isang sinag ng paglaya bawa't patak ng dugo mo!"
Bonifacio - tula ni Amado V. Hernandez
BONIFACIO
ni Amado V. Hernandez
12 pantig bawat taludtod
[Isa ito sa dalawang tula ni AVH na pinamagatang Bonifacio. Ang bersyong ito ay mula sa aklat na Isang Dipang Langit, ni Amado V. Hernandez, pahina 159, inilathala ng Ken Incorporated, Quezon City, noong 1996]
Kalupitan ay palasong bumabalik,
kaapiha'y tila gatong, nagliliyab;
Katipuna'y naging tabak ng himagsik,
at ang baya'y sumiklab na Balintawak!
Isang tala ang sumipot sa karimlan,
maralita't karaniwang Pilipino;
ang imperyo'y ginimbal ng kanyang sigaw,
buong lahi'y nagbayaning Bonifacio!
Balintawak, Biak-na-Bato, Baraswain,
naghimala sa giting ng bayang api;
kaalipnan ay nilagot ng alipin,
at nakitang may bathalang kayumanggi.
Republika'y bagong templong itinayo
ng bayan din, di ng dayo o ng ilan;
Pilipinas na malaya, bansang buo,
na patungo sa dakilang kaganapan.
ni Amado V. Hernandez
12 pantig bawat taludtod
[Isa ito sa dalawang tula ni AVH na pinamagatang Bonifacio. Ang bersyong ito ay mula sa aklat na Isang Dipang Langit, ni Amado V. Hernandez, pahina 159, inilathala ng Ken Incorporated, Quezon City, noong 1996]
Kalupitan ay palasong bumabalik,
kaapiha'y tila gatong, nagliliyab;
Katipuna'y naging tabak ng himagsik,
at ang baya'y sumiklab na Balintawak!
Isang tala ang sumipot sa karimlan,
maralita't karaniwang Pilipino;
ang imperyo'y ginimbal ng kanyang sigaw,
buong lahi'y nagbayaning Bonifacio!
Balintawak, Biak-na-Bato, Baraswain,
naghimala sa giting ng bayang api;
kaalipnan ay nilagot ng alipin,
at nakitang may bathalang kayumanggi.
Republika'y bagong templong itinayo
ng bayan din, di ng dayo o ng ilan;
Pilipinas na malaya, bansang buo,
na patungo sa dakilang kaganapan.
Lunes, Abril 25, 2011
Hinagad ni Bonifacio - tula ni Jose Corazon de Jesus
HINAGAD NI BONIFACIO
ni Jose Corazon de Jesus
16 pantig bawat taludtod
[mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, pahina 128-129, nilathala ng De La Salle University Press, Inc. noong 1995]
Isang gabing hatinggabi na malamig at malungkot
sa nayon ng Balintawak ang bantayog ay kumilos;
bumaba sa kinalagyan, lumibot sa mga pook,
na hawak di't nasa kamay ang Watawat at ang Gulok.
Dinalaw ang mga pook na sumaksi nang nagdaan
sa madugong pangyayari, sa madugong paglalaban.
"Nahan kayo? Nahan kayo kabataan nitong bayan?
Nahan kayo mga lilong pulitikong salanggapang?"
"Ako kaya naging sawi'y sa pagtuklas ng paglaya,
naputol ang hininga ko sa parang ng dugo't luha;
kayong aking nangaiwan sa mithiing ating nasa,
nahan kayo't di magbangon sa hihigang mapayapa."
Lumawig ang hatinggabi at dumating ang umaga,
ang araw ay ngumiti ring tila bagong kakilala;
at sa dakong Intramuros nitong s'yudad de Manila
ay nakita ang maraming pulitikong naghuhunta.
"Ano, ating tanggapin na ang Bill Fairfeld na may taning?"
Mayr'ong sumagot ng "hindi," may sumagot na "tanggapin."
Anupa't ang bawat isa'y di malaman ang layunin,
kung tanggapin o kung hindi iyang lintik na bagong bill.
At ang mga nagtatalong pulitiko ay nagitla
nang si Andres Bonifacio ay lumipat sa kanila:
"Alinlangan pa ba kayo sa Paglayang kinukuha?
Ano't kayo ay papayag, nasaan ang inmediata?"
"Kaming mga nakilaban sa ngalan ng kalayaan
ay namatay at nabaon sa paglayang madalian.
Hindi namin hinihingi ang taningan at takdaan,
ito'y ating Kalayaa't katuwiran ang ibigay."
"Mangahiya kayo niyang naturingang mga lider,
ang damdamin nitong baya'y di pa pala nalilining.
Ano't inyong itatanong ay sinabi na nga namin,
ang paglayang nais namin ay ngayon din at ngayon din?"
"Kung di ninyo makukuha at kayo ay natatakot,
sa duwag na mga tao'y walang layang maaabot.
Mabuti pa'y ako na nga ang sa inyo ay umumog
upang kayong diwang taksil sa bayan ko ay maubos."
At ang mga pulitikong medyo hindi medyo oo
sa pagtanggap ng Bill Fairfeld, hinagad ni Bonifacio.
Nang mahuli't malapat na ang taksil na pulitiko,
ang estatwa'y nanauling batong nasa monumento.
Ano ang Bill Fairfeld na binabanggit ni Jose Corazon de Jesus?
Mula sa blog na http://philippinehistory.ph/tag/philippine-elite/
Mga Landas Tungo sa Kalayaan (2) Dante L. Ambrosio
"Naharap sa usapin ng Fairfield Bill ang ikatlong misyon noong 1924 na pinamunuan nina Quezon at Osmeña. Ipinangako ng panukalang batas ang kalayaan ng Pilipinas makaraan ang 20 taon ng komonwelt. Bagaman sang-ayon sa pangkalahatan sina Quezon at Osmeña sa panukalang batas lalo’t masususugan ito, matindi itong tinutulan sa Pilipinas. Isang dahilan ng pagtutol ang nakapirmeng panahon bago ibigay ang kalayaan. Ayon sa ilang tumutol, pipigilan nito ang pagkilos para sa mas maagang kalayaan. Dahil sa malakas na pagtutol sa Pilipinas at sa Estados Unidos mismo, walang nangyari sa panukalang batas."
Biyernes, Disyembre 31, 2010
Huling Paalam - salin ni Bonifacio
HULING PAALAM NI DR. JOSE RIZAL
ni Andres Bonifacio
12 pantig bawat taludtod
ni Andres Bonifacio
12 pantig bawat taludtod
Ito ang pagkasalin ni Andres Bonifacio sa sariling wika ng tulang Ultimo Adios ni Dr. Rizal na nasulat sa wikang Kastila
1
Pinipintuho kong Bayan ay paalam
lupang iniirog ng sikat ng araw,
mutyang mahalaga sa dagat Silangan
kaluwalhatiang sa ami'y pumanaw.
2
Masayang sa iyo'y aking idudulot
ang lanta kong buhay na lubhang malungkot;
maging maringal man at labis alindog
sa kagalingan mo ay akin ding handog.
3
Sa pakikidigma at pamimiyapis
ang alay ng iba'y ang buhay na kipkip;
walang agam-agam, maluwag sa dibdib,
matamis sa puso at di ikahapis.
4
Saanman mautas ay di kailangan,
sipres o laurel, liryo ma'y putungan,
pakikipaghamok at ang bibitayan
yaon ay gayundin kung hiling ng Bayan.
5
Ako'y mamamatay ngayong namamalas
na sa silanganan ay namamanaag
yaong maligayang araw na sisikat
sa likod ng luksang nagtabing na ulap.
6
Ang kulay na pula kung kinakaylangan
na maititina sa iyong liwayway,
dugo ko'y isabog at siyang ikinang
ng kislap ng iyong maningning na ilaw.
7
Ang aking adhika sapol magkaisip
nang kasalukuyang bata pang maliit
ay ang tanghalin ka at minsang masilip
sa dagat Silangan hiyas na marikit.
8
Natuyo ang luhang sa mata'y nunukal,
taas na ang noo't walang kapootan,
walang bakas kunot ng kapighatian
gabahid mang dungis niyang kahihiyan.
9
Sa kabuhayan ko ang laging gunita
maningas na aking ninanasa-nasa
ay guminhawa ka ang hiyaw ng diwa
paghingang pananaw ngayong bigla-bigla.
10
Ikaw'y guminhawa laking kagandahang
ako ay malugmok at ikaw'y matanghal,
hininga'y malagot, mabuhay ka lamang,
bangkay ko'y masilong sa 'yong kalangitan.
11
Kung sa libingan ko'y tumubong mamalas
sa malagong damo mahinhing bulaklak,
sa mga labi mo'y mangyaring ilapat,
sa kaluluwa ko halik ay igawad.
12
At sa aking noo nawa'y iparamdam
sa lamig ng lupa ng aking libingan
ang init ng iyong paghingang dalisay
at simpy ng iyong paggiliw na tunay.
13
Bayaang ang buwan sa aki'y ititig
ang liwanag niyang lamlam at tahimik,
liwayway bayaang sa aki'y ihatid
magalaw na sinag at hanging hagibis.
14
Kung saka-sakaling bumabang humantong
sa krus ko'y dumapo kahit isang ibon,
doon ay bayaang humuning hinahon
at dalitin niya payapang panahon.
15
Bayaan ang ningas ng sikat ng araw
ula'y pasingawin noong kainitan,
magbalik sa langit nang buong dalisay
kalakip ng aking pagdaing na hiyaw.
16
Bayaang sinuman sa katotong giliw
tangisan maagang sa buhay pagkitil;
kung tungkol sa akin ay may manalangin
idalangin Bayan yaring pagkahimbing.
17
Idalanging lahat yaong nangamatay,
nangagtiis hirap na walang kapantay,
mga ina naming walang kapalaran
na inihihibik ay kapighatian.
18
Ang mga nabao't pinapangulila,
ang mga bilanggong nagsisipagdusa,
dalanginin namang kanilang makita
ang kalayaang mong ikagiginhawa.
19
At kung sa madilim na gabing mapanglaw
ay lumaganap na doon sa libinga't
tanging mga patay ang nangaglalamay,
huwag bagabagin ang katahimikan.
20
Ang kanyang hiwaga'y huwag gambalain
kaipala'y dinig doon ang taginting,
tunog ng gitara't salteryo'y magsaliw,
ako, Bayan, yao't kita'y aawitin.
21
Kung ang libingan ko'y limot na ng lahat
at wala nang kurus at batong mabakas,
bayaang linangin ng taong masipag,
lupa'y asarulin at kanyang ikalat.
22
Ang mga buto ko ay bago matunaw
mauwi sa wala at kusang maparam,
alabok ng iyong latak ay bayaang
siya ang bahalang doo'y makipisan.
23
Kung magkagayon na'y aalintanahin
na ako sa limot iyong ihabilin
pagkat himpapawid at ang panganorin,
mga lansangan mo'y aking lilibutin.
24
Matining na tunog ako sa dinig mo,
ilaw, mga kulay, masamyong pabango,
ang ugong at awit, paghibik sa iyo,
pag-asang dalisay ng pananalig ko.
25
Bayang iniirog, sakit nyaring hirap,
Katagalugan kong pinakaliliyag,
dinggin mo ang aking pagpapahimakas;
diya'y iiwan ko sa iyo ang lahat.
26
Ako'y patutungo sa walang busabos,
walang umiinis at berdugong hayop;
Pananalig doo'y di nakasasalot,
si Bathala lamang doo'y haring lubos.
27
Paalam, magulang at mga kapatid,
kapilas ng aking kaluluwa't dibdib,
mga kaibigan bata pang maliit,
sa aking tahanang di na masisilip.
28
Pagpasalamatan at napahinga rin,
pa'lam estrangherang kasuyo ko't aliw,
paalam sa inyo, mga ginigiliw,
mamatay ay siyang pagkakagupiling.
Lunes, Nobyembre 8, 2010
Katapusang Hibik ng Pilipinas sa Inang Espanya
KATAPUSANG HIBIK NG PILIPINAS
SA INANG ESPANYA
ni Andres Bonifacio
12 pantig bawat taludtod
Sumikat na Ina sa sinisilangan
Ang araw ng poot ng Katagalugan,
Tatlong daang taong aming iningatan
Sa dagat ng dusa ng karalitaan.
Walang isinuway kaming iyong anak
Sa bagyong masasal ng dalita't hirap,
Iisa ang puso nitong Pilipinas
At ikaw ay di na Ina naming lahat.
Sa kapuwa ina'y wala kang kaparis
Ang layaw ng anak dalita't pasakit;
Pag nagpatirapang sa iyo'y humibik
Lunas na gamot mo ay kasakit-sakit.
Gapusing mahigpit ang mga Tagalog,
Hinain sa sikad, kulata at suntok,
Makinahi't 'biting parang isang hayop
Ito baga, Ina, ang iyong pag-irog?
Ipabilanggo mo't sa dagat itapon,
Barilin, lasunin nang kami'y malipol,
Sa aming Tagalog ito baga'y hatol,
Inang mahabagin, sa lahat ng kampon?
Aming tinitiis hanggang sa mamatay,
Bangkay nang mistula ayaw pang tigilan,
Kaya kung ihulog sa mga libingan
Linsad na ang buto't lamuray ang laman.
Wala nang namana itong Pilipinas
Na layaw sa Ina kundi nga ang hirap;
Tiis ay pasulong, patente'y nagkalat
Rekargo't impwesto'y nagsala-salabat.
Sari-saring silo sa ami'y inisip
Kasabay ang utos tutuparing pilit;
May sa alumbrado bayad kami'y tikis
Kahit isang ilaw ay walang masilip.
Ang lupa at bahay na tinatahanan,
Bukid at tubigang kalawak-lawakan
At gayundin naman mga halamanan
Sa paring Kastila ay binubuwisan.
Bukod pa rito'y marami pang iba,
Huwag nang saysayin, O, Inang Espanya!
Sunod kaming lahat hanggang may hininga
Tagalog di'y siyang minamasama pa.
Ikaw nga, O, Inang pabaya't sukaban,
Kami'y di na iyo saanman humanggan,
Ihanda mo, Ina, ang paglilibingan
Sa mawawakawak na maraming bangkay.
Sa sangmaliwanag ngayon ay sasabog
Ang barila't kanyong katulad ay kulog;
Ang sigwang masasal ng dugong aagos
Ng kanilang bala na nagpapamook.
Di na kailangan sa Espanya'ng awa
Ng mga Tagalog, O! Inang Kuhila;
Paraiso namin ang kami'y mapuksa
At langit mo naman kung kami'y madusta.
Paalam na, Ina, itong Pilipinas,
Paalam na, Ina, itong nasa hirap;
Paalam, paalam, Inang walang habag,
Paalam na ngayon, katapusang tawag.
Linggo, Oktubre 3, 2010
Tapunan ng Lingap
TAPUNAN NG LINGAP
ni Andres Bonifacio
12 pantig bawat taludtod
Sumandaling dinggin itong karaingan,
Nagsisipag-inot magbangon ng bayan
Malaong panahon na nahahandusay
Sa madlang pahirap sa Kastilang lalang.
Nangasaan ngayon, mga ginigiliw,
Ang tapang at dangal na dapat gugulin?
Sa isang matuwid na kilala natin
Ay huwag ang gawang mga pagtataksil.
At ating lisanin ang dating ugali
Na ikinasira ng taas ng uri,
Ang bayang Tagalog ay may asal dili
Ang puring nilupig ng bakang maputi.
Aanhin ang yama't mga kapurihang
Tanawin ng tao at wikang mainam
Kung mananatili ina nating Bayan
Sa Kastilang ganid, Kastilang sungayan?
Kaya nga halina, mga kaibigan,
Kami ay tulungang ibangon sa hukay
Ang inang nabulid sa kapighatian
Nang upang magkamit ng kaligayahan.
Mga kapatid ko'y iwaksi ang sindak
Sa mga balita ng Kastilang uslak;
Ugali ng isang sa tapang ay salat
Na kahit sa bibig tayo'y ginugulat.
At huwag matakot sa pakikibaka
Sa lahing berdugo na lahing Espanya;
Nangaririto na para manggagaga,
Ang ating sarili ibig pang makuha.
Sa Diyos manalig at huwag pahimok
Sa kaaway natin na may loob hayop,
Walang ginagawa kundi ang manakot
At viva nang viva'y sila rin ang ubos.
Ay! Ang lingap mo po, manunungong langit,
Diyos na poon ko'y huwag ipagkait
Sa mga anak mong napatatangkilik
Nang huwag lumagos sa masamang hilig.
Kupkupin mo nama't ituro ang landas
Ng katahimikan at magandang palad;
Sa pakikibaka'y tapunan ng lingap,
Kaluluwa namin nang di mapahamak.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)