Biyernes, Disyembre 31, 2010

Huling Paalam - salin ni Bonifacio

HULING PAALAM NI DR. JOSE RIZAL
ni Andres Bonifacio
12 pantig bawat taludtod

Ito ang pagkasalin ni Andres Bonifacio sa sariling wika ng tulang Ultimo Adios ni Dr. Rizal na nasulat sa wikang Kastila

1
Pinipintuho kong Bayan ay paalam
lupang iniirog ng sikat ng araw,
mutyang mahalaga sa dagat Silangan
kaluwalhatiang sa ami'y pumanaw.

2
Masayang sa iyo'y aking idudulot
ang lanta kong buhay na lubhang malungkot;
maging maringal man at labis alindog
sa kagalingan mo ay akin ding handog.

3
Sa pakikidigma at pamimiyapis
ang alay ng iba'y ang buhay na kipkip;
walang agam-agam, maluwag sa dibdib,
matamis sa puso at di ikahapis.

4
Saanman mautas ay di kailangan,
sipres o laurel, liryo ma'y putungan,
pakikipaghamok at ang bibitayan
yaon ay gayundin kung hiling ng Bayan.

5
Ako'y mamamatay ngayong namamalas
na sa silanganan ay namamanaag
yaong maligayang araw na sisikat
sa likod ng luksang nagtabing na ulap.

6
Ang kulay na pula kung kinakaylangan
na maititina sa iyong liwayway,
dugo ko'y isabog at siyang ikinang
ng kislap ng iyong maningning na ilaw.

7
Ang aking adhika sapol magkaisip
nang kasalukuyang bata pang maliit
ay ang tanghalin ka at minsang masilip
sa dagat Silangan hiyas na marikit.

8
Natuyo ang luhang sa mata'y nunukal,
taas na ang noo't walang kapootan,
walang bakas kunot ng kapighatian
gabahid mang dungis niyang kahihiyan.

9
Sa kabuhayan ko ang laging gunita
maningas na aking ninanasa-nasa
ay guminhawa ka ang hiyaw ng diwa
paghingang pananaw ngayong bigla-bigla.

10
Ikaw'y guminhawa laking kagandahang
ako ay malugmok at ikaw'y matanghal,
hininga'y malagot, mabuhay ka lamang,
bangkay ko'y masilong sa 'yong kalangitan.

11
Kung sa libingan ko'y tumubong mamalas
sa malagong damo mahinhing bulaklak,
sa mga labi mo'y mangyaring ilapat,
sa kaluluwa ko halik ay igawad.

12
At sa aking noo nawa'y iparamdam
sa lamig ng lupa ng aking libingan
ang init ng iyong paghingang dalisay
at simpy ng iyong paggiliw na tunay.

13
Bayaang ang buwan sa aki'y ititig
ang liwanag niyang lamlam at tahimik,
liwayway bayaang sa aki'y ihatid
magalaw na sinag at hanging hagibis.

14
Kung saka-sakaling bumabang humantong
sa krus ko'y dumapo kahit isang ibon,
doon ay bayaang humuning hinahon
at dalitin niya payapang panahon.

15
Bayaan ang ningas ng sikat ng araw
ula'y pasingawin noong kainitan,
magbalik sa langit nang buong dalisay
kalakip ng aking pagdaing na hiyaw.

16
Bayaang sinuman sa katotong giliw
tangisan maagang sa buhay pagkitil;
kung tungkol sa akin ay may manalangin
idalangin Bayan yaring pagkahimbing.

17
Idalanging lahat yaong nangamatay,
nangagtiis hirap na walang kapantay,
mga ina naming walang kapalaran
na inihihibik ay kapighatian.

18
Ang mga nabao't pinapangulila,
ang mga bilanggong nagsisipagdusa, 
dalanginin namang kanilang makita
ang kalayaang mong ikagiginhawa.

19
At kung sa madilim na gabing mapanglaw
ay lumaganap na doon sa libinga't
tanging mga patay ang nangaglalamay,
huwag bagabagin ang katahimikan.

20
Ang kanyang hiwaga'y huwag gambalain
kaipala'y dinig doon ang taginting,
tunog ng gitara't salteryo'y magsaliw,
ako, Bayan, yao't kita'y aawitin.

21
Kung ang libingan ko'y limot na ng lahat
at wala nang kurus at batong mabakas,
bayaang linangin ng taong masipag,
lupa'y asarulin at kanyang ikalat.

22
Ang mga buto ko ay bago matunaw
mauwi sa wala at kusang maparam,
alabok ng iyong latak ay bayaang
siya ang bahalang doo'y makipisan.

23
Kung magkagayon na'y aalintanahin
na ako sa limot iyong ihabilin
pagkat himpapawid at ang panganorin,
mga lansangan mo'y aking lilibutin.

24
Matining na tunog ako sa dinig mo,
ilaw, mga kulay, masamyong pabango,
ang ugong at awit, paghibik sa iyo,
pag-asang dalisay ng pananalig ko.

25
Bayang iniirog, sakit nyaring hirap,
Katagalugan kong pinakaliliyag,
dinggin mo ang aking pagpapahimakas;
diya'y iiwan ko sa iyo ang lahat.

26
Ako'y patutungo sa walang busabos,
walang umiinis at berdugong hayop;
Pananalig doo'y di nakasasalot,
si Bathala lamang doo'y haring lubos.

27
Paalam, magulang at mga kapatid,
kapilas ng aking kaluluwa't dibdib,
mga kaibigan bata pang maliit,
sa aking tahanang di na masisilip.

28
Pagpasalamatan at napahinga rin,
pa'lam estrangherang kasuyo ko't aliw,
paalam sa inyo, mga ginigiliw,
mamatay ay siyang pagkakagupiling.

Lunes, Nobyembre 8, 2010

Katapusang Hibik ng Pilipinas sa Inang Espanya

KATAPUSANG HIBIK NG PILIPINAS
SA INANG ESPANYA
ni Andres Bonifacio
12 pantig bawat taludtod

Sumikat na Ina sa sinisilangan
Ang araw ng poot ng Katagalugan,
Tatlong daang taong aming iningatan
Sa dagat ng dusa ng karalitaan.

Walang isinuway kaming iyong anak
Sa bagyong masasal ng dalita't hirap,
Iisa ang puso nitong Pilipinas
At ikaw ay di na Ina naming lahat.

Sa kapuwa ina'y wala kang kaparis
Ang layaw ng anak dalita't pasakit;
Pag nagpatirapang sa iyo'y humibik
Lunas na gamot mo ay kasakit-sakit.

Gapusing mahigpit ang mga Tagalog,
Hinain sa sikad, kulata at suntok,
Makinahi't 'biting parang isang hayop
Ito baga, Ina, ang iyong pag-irog?

Ipabilanggo mo't sa dagat itapon,
Barilin, lasunin nang kami'y malipol,
Sa aming Tagalog ito baga'y hatol,
Inang mahabagin, sa lahat ng kampon?

Aming tinitiis hanggang sa mamatay,
Bangkay nang mistula ayaw pang tigilan,
Kaya kung ihulog sa mga libingan
Linsad na ang buto't  lamuray ang laman.

Wala nang namana itong Pilipinas
Na layaw sa Ina kundi nga ang hirap;
Tiis ay pasulong, patente'y nagkalat
Rekargo't impwesto'y nagsala-salabat.

Sari-saring silo sa ami'y inisip
Kasabay ang utos tutuparing pilit;
May sa alumbrado bayad kami'y tikis
Kahit isang ilaw ay walang masilip.

Ang lupa at bahay na tinatahanan,
Bukid at tubigang kalawak-lawakan
At gayundin naman mga halamanan
Sa paring Kastila ay binubuwisan.

Bukod pa rito'y marami pang iba,
Huwag nang saysayin, O, Inang Espanya!
Sunod kaming lahat hanggang may hininga
Tagalog di'y siyang minamasama pa.

Ikaw nga, O, Inang pabaya't sukaban,
Kami'y di na iyo saanman humanggan,
Ihanda mo, Ina, ang paglilibingan
Sa mawawakawak na maraming bangkay.

Sa sangmaliwanag ngayon ay sasabog
Ang barila't kanyong katulad ay kulog;
Ang sigwang masasal ng dugong aagos
Ng kanilang bala na nagpapamook.

Di na kailangan sa Espanya'ng awa
Ng mga Tagalog, O! Inang Kuhila;
Paraiso namin ang kami'y mapuksa
At langit mo naman kung kami'y madusta.

Paalam na, Ina, itong Pilipinas,
Paalam na, Ina, itong nasa hirap;
Paalam, paalam, Inang walang habag,
Paalam na ngayon, katapusang tawag.

Linggo, Oktubre 3, 2010

Tapunan ng Lingap

TAPUNAN NG LINGAP
ni Andres Bonifacio
12 pantig bawat taludtod

Sumandaling dinggin itong karaingan,
Nagsisipag-inot magbangon ng bayan
Malaong panahon na nahahandusay
Sa madlang pahirap sa Kastilang lalang.

Nangasaan ngayon, mga ginigiliw,
Ang tapang at dangal na dapat gugulin?
Sa isang matuwid na kilala natin
Ay huwag ang gawang mga pagtataksil.

At ating lisanin ang dating ugali
Na ikinasira ng taas ng uri,
Ang bayang Tagalog ay may asal dili
Ang puring nilupig ng bakang maputi.

Aanhin ang yama't mga kapurihang
Tanawin ng tao at wikang mainam
Kung mananatili ina nating Bayan
Sa Kastilang ganid, Kastilang sungayan?

Kaya nga halina, mga kaibigan,
Kami ay tulungang ibangon sa hukay
Ang inang nabulid sa kapighatian
Nang upang magkamit ng kaligayahan.

Mga kapatid ko'y iwaksi ang sindak
Sa mga balita ng Kastilang uslak;
Ugali ng isang sa tapang ay salat
Na kahit sa bibig tayo'y ginugulat.

At huwag matakot sa pakikibaka
Sa lahing berdugo na lahing Espanya;
Nangaririto na para manggagaga,
Ang ating sarili ibig pang makuha.

Sa Diyos manalig at huwag pahimok
Sa kaaway natin na may loob hayop,
Walang ginagawa kundi ang manakot
At viva nang viva'y sila rin ang ubos.

Ay! Ang lingap mo po, manunungong langit,
Diyos na poon ko'y huwag ipagkait
Sa mga anak mong napatatangkilik
Nang huwag lumagos sa masamang hilig.

Kupkupin mo nama't ituro ang landas
Ng katahimikan at magandang palad;
Sa pakikibaka'y tapunan ng lingap,
Kaluluwa namin nang di mapahamak.

Miyerkules, Agosto 25, 2010

Ang Mga Cazadores

ANG MGA CAZADORES
ni Andres Bonifacio
12 pantig bawat taludtod

Mga kasadores dito ay padala
Sanhi raw ng gulo'y lilipulin nila
Ngunit hindi laban yaong kinikita
Kundi ang mang-umit ng manok at baka.

Yaong mga bayang sa tahimik kanlong
Sa mga Kastila'y siyang hinahayon,
Ang bawat makita nilang malalamon
Pinag-aagawan dahilan sa gutom.

Buong kabahayan ay sinasaliksik,
Pilak na makita sa bulsa ang silid;
Gayon ang alahas at piniling damit
Katulad ay sisiw sa limbas dinagit.

Sa mga babae na matatagpuan
Mga unang bati'y ang gawang mahalay;
Kamuntik man lamang di nagpipitagan
Sa puring malinis na iniingatan.

At ang mga lakong kamatis at pakwan,
Milon, at iba pang pinamuhunanan
Walang nalalabi sa pag-aagawan
Ng mga Kastila kung matatagpuan.

Lahat ng makita nilang maggagatas
Agad haharangan, dada'nin sa bulas,
Tuloy lalaklakin ng mga dulingas
Anupa nga't wala nang pinalalampas.

Ngalang "cazadores" hindi nararapat
Kundi "sacadores" ang ukol itawag;
Bakit sa tagaa'y malayo ang agwat
Mandi'y halataing matakaw at duwag.

Huwebes, Hulyo 8, 2010

Pag-ibig sa Tinubuang Lupa

PAG-IBIG SA TINUBUANG LUPA
ni Andres Bonifacio
12 pantig bawat taludtod

1
Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa tinub'ang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.

2
Ulit-ulitin mang basahin ng isip
At isa-isahing talastasing pilit
Ang salita't buhay na limbag at titik
Ng sangkatauhan ito'y namamasid.

3
Banal na Pag-ibig! Pag ikaw ang nukal
Sa tapat  na puso ng sino't alinman,
Imbi't taong-gubat, maralita't mangmang,
Nagiging dakila at iginagalang.

4
Pagpupuring lubos ang palaging hangad
Sa bayan ng taong may dangal na ingat;
Umawit, tumula, kumatha't sumulat,
Kalakhan din niya'y isinisiwalat.

5
Walang mahalagang hindi inihandog
Ng may pusong mahal sa Bayang nagkupkop:
Dugo, yaman, dunong, katiisa't pagod,
Buhay ma'y abuting magkalagot-lagot.

6
Bakit? Alin ito na sakdal nang laki
Na hinahandugan ng buong pagkasi?
Na sa lalong mahal nakapangyayari
At ginugugulan ng buhay na iwi?

7
Ay! Ito'y ang Inang Bayang tinubuan,
Siya'y ina't tangi na kinamulatan
Ng kawili-wiling liwanag ng araw
Na nagbigay-init sa lunong katawan.

8
Sa kaniya'y utang ang unang pagtanggap
Ng simoy ng hanging nagbibigay-lunas
Sa inis na puso na sisinghap-singhap
Sa balong malalim ng siphayo't hirap.

9
Kalakip din nito'y pag-ibig sa Bayan
Ang lahat ng lalong sa gunita'y mahal
Mula sa masaya't gasong kasanggulan
Hanggang sa katawa'y mapasalibingan.

10
Ang nangakaraang panahon ng aliw,
Ang inaasahang araw na darating
Ng pagkatimawa ng mga alipin,
Liban pa sa Bayan saan tatanghalin?

11
At ang balang kahoy at ang balang sanga
Ng parang n'ya't gubat na kaaya-aya,
Sukat ang makita't sasaalaala
Ang ina't ang giliw, lumipas na saya.

12
Tubig n'yang malinaw na anaki'y bubog,
Bukal sa batisang nagkalat sa bundok,
Malambot na huni ng matuling agos,
Na nakaaaliw sa pusong may lungkot.

13
Sa aba ng abang mawalay sa Bayan!
Gunita ma'y laging sakbibi ng lumbay,
Walang alaala't inaasam-asam
Kundi ang makita'y lupang tinubuan.

14
Pati ng magdusa't sampung kamatayan
Wari ay masarap kung dahil sa Bayan
At lalong maghirap, O! himalang bagay,
Lalong pag-irog pa ang sa kanya'y alay.

15
Kung ang Bayang ito'y nasasapanganib
At siya ay dapat na ipagtangkilik,
Ang anak, asawa, magulang, kapatid
Isang tawag niya'y tatalikdang pilit.

16
Dapwat kung ang bayan ng Katagalugan
Ay nilapastangan at niyuyurakan
Katuwiran, puri niya't kamahalan
Ng sama ng lilong taga-ibang bayan.

17
Di gaano kaya ang paghihinagpis
Ng pusong Tagalog sa puring nilait?
Aling kalooban na lalong tahimik
Ang di pupukawin sa paghihimagsik?

18
Saan magbubuhat ang paghinay-hinay
Sa paghihiganti't gumugol ng buhay
Kung wala ding iba na kasasadlakan
Kundi ang lugami sa kaalipinan?

19
Kung ang pagkabaon n'ya't pagkabusabos
Sa lusak  ng saya't tunay na pag-ayop,
Supil ng panghampas, tanikalang gapos
At luha na lamang ang pinaaagos?

20
Sa kaniyang anyo'y sino ang tutunghay
Na di aakayin sa gawang magdamdam?
Pusong naglilipak sa pagkasukaban
Ang hindi gumugol ng dugo at buhay.

21
Mangyayari kaya na ito'y masulyap
Ng mga Tagalog  at hindi lumingap
Sa naghihingalong Inang nasa yapak
Na kasuklam-suklam sa Kastilang hamak?

22
Nasaan ang dangal ng mga Tagalog?
Nasaan ang dugong dapat na ibuhos?
Baya'y inaapi, bakit di kumilos
At natitilihang ito'y mapanuod?

23
Hayo na nga kayo, kayong nangabuhay
Sa pag-asang lubos na kaginhawahan
At walang tinamo kundi kapaitan
Hayo na't ibigin ang naabang Bayan.

24
Kayong natuy'an na sa kapapasakit
Ng dakilang hangad sa batis ng dibdib,
Muling pabalungi't tunay na pag-ibig
Kusang ibulalas sa Bayang piniit.

25
Kayong nalagasan ng bunga't bulaklak,
Kahoy nyaring buhay na nilanta't sukat
Ng bala-balaki't makapal na hirap,
Muling manariwa't sa Baya'y lumiyag.

26
Kayong mga pusong kusang napapagal
Ng daya at bagsik ng ganid na asal,
Ngayon ay magbango’t Bayan ay itanghal
Agawin sa kuko ng mga sukaban.

27
Kayong mga dukhang walang tanging lasap
Kundi ang mabuhay sa dalita’t hirap,
Ampunin ang Bayan kung nasa ay lunas
Pagkat ang ginhawa niya ay sa lahat.

28
Ipaghandog-handog ang buong pag-ibig,
At hanggang may dugo’y ubusang itigis
Kung sa pagtatanggol, buhay ay mapatid
Ito’y kapalaran at tunay na langit.

Linggo, Mayo 9, 2010

Katungkulang Gagawin ng mga Z. LL. B.


Katungkulang Gagawin ng mga Z. LL. B.
Sinulat ni Gat Andres Bonifacio

1. Sumampalataya sa Maykapal nang taimtim sa puso.

2. Gunamgunamin sa sarili tuwina na ang matapat na pagsampalataya sa Kanya ay ang pag-ibig sa lupang tinubuan sapagkat ito ang tunay na pag-ibig sa kapwa.

3. Ikintal sa puso ang pag-asa sa malabis na kapurihan at kapalaran na kung ikamamatay ng tao'y magbubuhat sa pagliligtas sa kaalipinan ng bayan.

4. Sa kalamigan ng loob, katiyagaan, katuwiran at pag-asa sa ano mang gagawin nagbubuhat ang ikagaganap ng mabuting ninanais.

5. Paingat-ingatang gaya ng puri ang mga bilin at balak ng K... K... K....

6. Sa isang nasasapanganib sa pagtupad ng kanyang tungkol, idadamay ng lahat ang buhay at yaman upang maligtas yaon.

7. Hangarin na ang kalagayan ng isa't isa, maging huwaran ng kanyang kapwa sa mabuting pagpapasunod at pagtupad ng kanyang tungkol.

8. Bahaginan ng makakaya ang alin mang nagdaralita.

9. Ang kasipagan sa paghahanapbuhay ay siyang tunay na pag-ibig at pagmamahal sa sarili, sa asawa, anak at kapatid o kababayan.

10. Lubos na pagsampalataya sa parusang ilinalaan sa balang suwail at magtaksil, gayundin sa pala na kakamtan ukol sa mabuting gawa. Sampalatayanan din naman na ang mga layong tinutungo ng K... K... K... ay kaloob ng Maykapal, samakatwid ang hangad ng bayan ay hangad din Niya.

Miyerkules, Mayo 5, 2010

Mararahas na Mga Anak ng Bayan


MARARAHAS NA MGA ANAK NG BAYAN
ni Andres Bonifacio

Ang inyong ipinakilalang katapangan sa pakikihamok sa kaaway na mga Kastila buhat pa ng simulan itong panghihimagsik ay siyang nagsasabing mataas na di ninyo ikinasisindak ang ugong ng paghahanda at pagsalakay dito ng hukbong akay ni Polavieja, na sa kaunting panahon ay nagpakilala na ng malabis na karuwagan at hamak na kaasalan ng alipin sa kanyang pagpapahirap at malimit na pagpatay sa makapal na kalahing hindi nagsisilaban. Yaong pagpapasunog nito sa mga bayan, yaong paglapastangan at pagdungis sa kapurihan ng mga babae na di pinakundanganan ang kanilang kahinaan, yaong pagputol ng buhay ng mga matatandang hindi na makausad at sanggol na sumususo pa, na kailanman ay hindi aasalin at gagawin ng sino pa mang lalaking may puri at may tapang, ay humihingi ng isang masiglang paghihiganti at matinding kaparusahan.

Sa inyong pamimiyapis, mangyayaring abutin ang kayo’y tanghaling bangkay sa gitna ng parang ng pakikidigma; nguni’t ito’y isang kapurihang inyong maipamamana sa ating Bayan, sa ating lahi, at sa ating angkan.

Ang inyong mapupugtong hininga ay siyang magbibigay buhay sa ating Bayan at siyang matamis na alaala sa gunita ng inyong mga kapatid na maiiwan.

Dapat naman ninyong mabatid na ang kadahilanan ng ating paggugugol ng lalong mahalaga sa loob at sampu ng ingat na buhay ay nang upang tamuhin at kamtan yaong nilalayong Kalayaan ng ating Bayang tinubuan na siyang magbibigay ng buong kaginhawahan at magbabangon ng ating kapurihan na inilugmok ng kaalipinan sa hukay ng kadustaang walang makatulad.

Sasagi kaya sa inyong loob ang panlulumo at aabutin kaya ng panghihinayang na mamatay sa kadahilanang ito? Hindi! Sapagka’t nakikintal sa inyong gunita yaong libolibong kinitil na buhay ng mapanganyayang kamay ng Kastila, yaong daing, yaong himutok at pananangis ng mga pinapangulila ng kanilang kalupitan, yaong mga kapatid nating nangapipiit sa kalagimlagim na bilangguan at natitiis ng walang awang pagpapahirap, yaong walang tilang pag-agos ng luha ng mga nawalay sa piling ng kanilang mga anak, asawa at matatandang magulang na itinapon sa iba’t ibang malalayong lupa at ang katampalasanang pagpatay sa ating pinakaiibig na kababayan na si M. Jose Rizal ay nagbukas sa ating puso ng isang sugat na kailan pa ma’y hindi mababahaw. Lahat ng ito ay sukat nang magpaningas sa lalong malamig na dugo at magbunsod sa atin sa pakikihamok sa hamak na Kastila na nagbibigay sa atin ng lahat ng kahirapan at kamatayan.

Kaya mga kapatid, igayak ang loob sa pakikipaglaban at pakaasahan ang pagtatagumpay, sapagka’t nasa atin ang tunay na katuwiran at kabanalang gawa. Ang kastila, iyang kasuklamsuklam na lahing dito’y napasuot, ang tanging ipinaglalaban ay ang maling katuwirang panggagaga at panlulupig dito sa di nila bayan.

Sa lahat ng ito, nang malubos ang kabanalan at kapurihan ng ating lahi, ng tanghalin ng sandaigdigan ang kamahalan ng ating kalooban, ay huwag nating tularan ang kalabang Kastila sa pagkahamak ng asal na ugaling gamit sa pakikidigma. Huwag tayong makipaghamok sa kaibigan lamang na pumatay kundi sa pagtatanggol ng Kalayaan ng ating Bayan, at abutin sa mahigpit na pagkakayakap nating mga anak ng Bayan ay maihiyaw ng buong lakas na Mabuhay! Mabuhay ang Haring Bayang Katagalugan!

Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog


Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog
ni Andres Bonifacio

Itong Katagalugan, na pinamamahalaan noong unang panahon ng ating tunay na mga kababayan, noong hindi pa tumutuntong sa mga lupaing ito ang mga Kastila, ay nabubuhay sa lubos na kasaganaan, at kaginhawahan. Kasundo niya ang mga kapitbayan at lalong-lalo na ang mga taga-Hapon. Sila’y kabilihan at kapalitan ng mga kalakal, malabis ang pagyabong ng lahat ng pinagkakakitaan, kaya’t dahil dito’y mayaman ang kaasalan ng lahat. Bata’t matanda at sampu ng mga babae ay marunong bumasa at sumulat ng talagang pagsulat nating mga Tagalog. Dumating ang mga Kastila at dumulog na nakipagkaibigan. Sa mabuti nilang hikayat na diumano na tayo’y aakayin sa lalong kagalingan at lalong imumulat ang ating kaisipan, ang nasabing nagsisipamahala ay nangyaring nalamuyot sa tamis ng kanilang dila sa paghibo. Gayunman, sila’y ipinailalim sa talagang kaugalian ng mga Tagalog na sinaksihan at pinapagtibay ang kanilang pinagkayarian sa pamamagitan ng isang panunumpa na kumuha ng kaunting dugo sa kani-kanilang mga uga, at yao’y inihalo’t ininom nila kapwa tanda ng tunay at lubos na pagtatapat na di magtataksil sa pinagkayarian. Ito’y siyang tinatawag na “Pacto de Sangre” ng Haring Sikatuna at ni Legaspi na pinakakatawan ng hari sa Espana.

Buhat nang ito’y mangyari ay bumibilang na ngayon sa tatlong dantaong mahigit na ang lahi ni Legaspi ay ating binubuhay sa lubos na kasaganaan, ating pinagtatamasa at binubusog, kahit abutin natin ang kasalatan at kadayukdukan; iginugugol natin ang yaman, dugo at sampu ng buhay sa pagtatangol sa kanila; kinakahamok natin sampu ng tunay na mga kababayan na aayaw pumayag na sa kanila’y pasakop, at gayundin naman, nakipagbaka tayo sa mga Intsik at mga Olandes na nagbalang umagaw sa kanila nitong Katagalugan. 

Ngayon, sa lahat ng ito’y ano ang sa mga ginawa nating paggugugol ang nakikitang kaginhawahang ibinigay sa ating Bayan? Ano ang nakikita nating pagtupad sa kanilang kapangakuan na siyang naging dahil ng ating paggugugol! Wala kundi pawang kataksilan ang ganti sa ating mga pagpapala at mga pagtupad sa kanilang ipinangakong tayo’y lalong gigisingin sa kagalingan at bagkus tayo'ng binulag, inihawa tayo sa kanilang hamak na asal, pinilit na sinira ang mahal at magandang ugali ng ating Bayan. Iminulat tayo sa isang maling pagsampalataya at isinadlak sa lubak ng kasamaan ang kapurihan ng ating Bayan. At kung tayo’y mangahas humingi ng kahit gabahid na lingap, ang nagiging kasagutan ay ang tayo’y itapon at ilayo sa piling ng ating minamahal na anak, asawa at matandang magulang. Ang bawat isang himutok na pumulas sa ating dibdib ay itinuturing na isang malaking pagkakasala at karakarakang nilalapatan ng sa hayop na kabangisan. 

Ngayon, wala nang maituturing na kapanatagan sa ating pamamayan. Ngayon, lagi nang gingambala ang ating katahimikan ng umaalingawngaw na daing at pananambitan, buntunghininga at hinagpis ng makapal na ulila, bao’t mga magulang ng mga kababayang ipinanganyaya ng mga manlulupig na Kastila. Ngayon, tayo’y nalulunod na sa nagbabahang luha ng Ina sa nakitil na buhay ng anak, sa pananangis ng sanggol na pinangulila ng kalupitan na ang bawat patak ay katulad ng isang kumukulong tingga na sumasalang sa mahapding sugat ng ating pusong nagdaramdam. Ngayon, lalo’t lalo tayong nabibilibiran ng tanikala ng pagkaalipin, tanikalang nakalalait sa bawat lalaking may iniingatang kapurihan. Ano ang nararapat nating gawin? Ang araw ng katuwiran na sumisikat sa Silanganan, ay malinaw na itinuturo sa ating mga matang malaong nabulagan, ang landas na dapat nating tunguhin, ang liwanag niya’y tanaw sa ating mga mata, ang kukong nag-akma ng kamatayang alay sa atin ng mga ganid na asal. Itinuturo ng katuwiran, na wala tayong iba pang maaantay kundi lalo’t lalong kahirapan, lalo't lalong kataksilan, lalo't lalong kaalipustaan, at lalo't lalong kaalipinan. Itinuturo ng katuwiran, na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipinangakong kaginhawahan na hindi darating at hindi mangyayari. Itinuturo ng katuwiran ang tayo’y umasa sa ating sarili at huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan. Itinuturo na katuwiran ang tayo’y magkaisang-loob, magkaisang isip at akala at nang tayo’y magkalakas na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating Bayan.

Panahon na ngayong dapat na lumitaw ang liwanag ng katotohanan. Panahon nang dapat nating ipakilala na tayo’y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya at pagdadamayan. Ngayo'y panahon nang dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang aral na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan. Panahon na ngayong dapat makilala ng mga Tagalog ang pinagbuhatan ng kanilang mga kahirapan. Araw na itong dapat kilalanin na sa bawat isang hakbang natin ay tumutuntong tayo at nabibingit sa malalim na hukay ng kamatayan na sa ati’y inuumang ng mga kaaway. 

Kaya, O mga kababayan! Ating idilat ang bulag na kaisipan at kusang igugol sa kagalingan ang ating lakas, sa tunay at lubos na pag-asa na magtagumpay sa nilalayong kaginhawahan ng bayang tinubuan.